Inilathala ni : Iana Henson
Petsang Inilathala : Agosto 12, 2025
Oras na Inilathala : 10:00 Am
KATEGORYA: Prosa
TEMA: Ang kahirapang malaman ang pangarap o landas na tatahakin sa hinaharap
Sa ilang taong pamumuhay ko rito sa mundo, tila hirap pa rin akong malaman ang nais kong tahakin sa buhay. “Hindi ko alam,” ang kasagutan sa mga tanong na paulit-ulit na tinatanong sa akin ng aking mga kakilala.
Habang sila’y abala sa paghahanap ng paaralang mapapasukan sa kolehiyo upang simulan ang kursong naaayon sa trabahong ninanais nila, ako naman ay abalang nakikipag-away sa aking isipan.
Hindi ako takot sa mga pagsubok na haharapin ko sa hinaharap. Sa halip, mas takot ako na baka nga hanggang dito na lamang ako.
Naaalala ko pa, ang pangakong sinabi ko sa aking mga magulang. Nangako akong ako na ang bahala. Hindi ko na nasisiguro ang mga bagay na ipinangako ko dahil sa sitwasyon na hinaharap ko ngayon. Alam kong maiintindihan nila pero, ako ang mismong hindi kakayaning tanggapin ang kinahinatnan ko kapag ako’y nakapagtapos.
Mahirap pala talagang tanggapin ang katotohanan. Ang katotohanan na ito ako ngayon. Ang dating punong puno ng pangarap, ay halos wala nang kasiguraduhan sa kanyang pangarap.
Kung magkakaroon man ng pagkakataong makausap ang batang bersyon ko, mararamdaman ko ang kanyang pagkadismaya sa akin. Hindi ganito ang landas na gusto kong tahakin. Hindi ganito ang pinangarap kong kahihinatnan ko. Nauubusan na ako ng enerhiyang magpatuloy pa. Umabot na sa puntong naging manhid na lamang ako sa lahat ng bagay at ibinalewala ang lahat. Naligaw ako sa dami ng daang pwede kong tahakin. Kasalanan ko bang naging ganito ako?
Ang natitirang pangarap ko na lamang ay ang makatakas at ilibing na lamang ang mga labi ng mga natitirang pangarap ko noong bata pa ako. Habang buhay na yata akong mumultuhin ng mga pangarap ko noon.
Para akong isang punong paunti-unting namamatay at nawawalan ng bunga matapos nitong sumabak sa isang matinding bagyo.
Sa ngayon, hanggang dito na lang muna. Wala akong magagawa kundi tanggapin ang lahat. Tanggapin ang hirap na nararanasan ko ngayon. Ngunit sana sa aking pa gising, makahanap ako ng pag-asa. Pag-asang matahak ko ang dapat kong tahakin. Masundan ang pangarap na pinapangarap ko nung bata pa ako. At magkaroon ng kasagutan ang mga katanungan sa aking isip.
No comments:
Post a Comment