Tuesday, August 12, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Ang Sabi ng Puso Ko” ni Rhandrix P. Bautista

 


Inilathala ni: Shaina Pajarillo 

Petsang Inilathala: Agosto 12, 2025

Oras na Inilathala: 5:48 PM


Kategorya: Prosa

Tema: Ang taong nagpatunay na ang paghihintay para sa pag-ibig na totoo ay dumadating sa tamang oras


Tahimik na naman ang gabi, ngunit mas tahimik ang puso ko. Parang walang tunog ang mundo pero habang tumatagal, ang damdamin sa loob ko, nagiging isang ingay na hindi matahimik. Hindi ko alam kung hanggang kailan ito magtatagal. Nasanay na lang ako sa sakit o sinadya ko talagang mahalin ang katahimikan, dahil sa bawat taong dumaan, ako lang ang naiwan. Ako ay para sa umpisa ng kuwento, hindi para sa huli. Naging ganito ang aking kaisipan, hanggang sa dumating ang araw na tinanggap ko na — baka nga hindi ako para sa pag-ibig.


Pero kahit ganoon, may munting tinig pa rin ang ayaw tumigil. “Hintay ka lang. Darating din siya. ‘Yung para sa’yo talaga”


Walang araw ang dumaan na hindi ko kinaladkad ang sarili ko sa buhay. Umaga, tanghali, gabi — walang pinagkaiba. Walang saya at kilig. Sa bawat kain mag-isa, sa bawat tahimik na biyahe pauwi, sa bawat yakap sa sarili, tinuturuan ko ang puso ko na huwag nang umasa. Ngunit isang kabalintunaan ito. Dahil kahit anong turo ko sa sarili ko nito, nahuhuli ko ang sarili ko na tuwing gabi, palagi pa rin akong napapatingin sa langit, humihiling sa tala ng kahit anong himala. Baka sakaling sa milyon-milyong tao sa mundo, may isa talagang dahan-dahang lumalakad papunta sa akin.


At dumating siya — hindi bigla, hindi engrande. Tahimik at mapayapa. Sa unang titig pa lang, ‘yung parte ng damdamin ko ay kumalma na.


Parang sinabing, “Ayan na siya”.

Wala siyang pangakong magtatagal. Wala siyang dalang bulaklak o matatamis na salita. Pero sa mga mata niyang puno ng mahika, nandoon ‘yung bagay na hindi ko maipaliwanag — ‘yung pakiramdam na hindi ko na kailangang magsalita para maintindihan.


Sinabi ko sa sarili ko “Sa unang pagkakataon, hindi ako natakot magmahal ulit.”


Hindi man siya perpekto. May lamat din siyang dala at isang sugat na pilit niyang tahiin. Pero sa kalagitnaan ng lahat ng iyon, siya ang masasabi kong pinakatama sa lahat ng mali kong pinagdaanan. Hindi niya ako pinilit gumaling. Hinintay niya akong kusang bumangon. At sa bawat araw na siya’y nakakapiling ko, unti-unting humihilom ang buong pagkatao ko — hindi dahil binura niya ang sakit, kundi dahil pinaramdam niyang hindi ko na kailangan magdusa mag-isa.


Ngayon, tinanong ko ang aking puso kung bakit ako naghintay, kung bakit ako hindi sumuko kahit ilang ulit nang napagod — ito ang sagot:


“Kasi siya ‘yung dahilan kung bakit ako hindi bumitaw.”


At ngayon, alam ko na; ako ang pinili ng pag-ibig sa tamang oras. Ako ‘yung iniwan noon para matutong magmahal nang buo. Ako ‘yung dating tao na hanggang sa umpisa lang at iniwan na sa huli. At siya — siya ang binigay na sagot sa panalangin kong akala ko’y hindi maririnig.

Noon, ako ang nagsabi ng “sana”, pero ngayon… Ako na ang sinagot ng tadhana.

No comments:

Post a Comment