Inilathala ni: Mherry Vhine Macalalag
Petsang Inilathala: Agosto 20, 2025
Oras na Inilathala: 10:02 AM
Kategorya: Tula
Tema: Lihim na pagmamahal
Tahimik lang ako.
Pero sa bawat sulyap mo,
may munting sigwang nabubuo—
hindi halata,
pero sapat upang yanigin ang isipan ko.
Alam kong hindi ako
ang laman ng mundo mo.
Pero paano mo pipigilin
ang pusong umaasang
‘kaibigan lang’ ay pwede pang magbago?
Ako ang pahinang nilalampasan—
naroon,
pero ‘di kailanman binubuklat.
Habang ikaw,
abala sa istoryang
mas magaan basahin,
mas madaling mahalin.
Sanay na ang anino ko
sa liwanag mong 'di ako nasisikatan.
Sanay na rin sa pag-ibig
na walang tinig,
walang simula,
walang pamagat.
Ang damdamin ko’y lihim—
isinulat sa hangin,
tinangay ng kawalan.
Tahimik ako,
dahil sa dulo ng lahat:
hindi pa rin ako sapat.
O, hiraya ko—
Para akong bangkang walang pampang,
palutang-lutang sa damdaming
hindi mo kailanman sisisirin.
No comments:
Post a Comment