Inilathala ni: Mherry Vhine Macalalag
Petsang Inilathala: Agosto 18, 2025
Oras na Inilathala: 1:00 PM
Kategorya: Prosa
Paksa: Aborsiyon
Karamihan sa kababaihan may kanya-kanyang pangarap. Ako mayroon akong mga pangarap noon. Maliwanag, malinaw, at tila abot-kamay. Mga bituin na handa kong sungkitin kahit magdugo ang aking mga palad, mga bundok na kayang akyatin kahit anong balakid ang harapin. Ngunit isang araw, sa gitna ng lahat ng paghihirap at sakripisyo para sa pangarap, may dumating na hindi ko hiniling, isang buhay sa loob ko. Isang buhay na magbabago sa lahat ng plano't pangarap na pinaghihirapan kong abutin.
Marami ang mabilis magbitiw ng hatol. Madali para sa kanila ang humusga. “Ginusto mo naman 'yan, kaya panindigan mo.” Paulit-ulit na para bang iyon na lang ang tanging katotohanan. Sa batas, bawal ang pagpili kong wakasan ito. Sa relihiyon, kasalanan ang kahit anong pagtatangkang tapusin ang buhay na iyon. Sagrado raw mula sa unang tibok ng puso, at tanging Diyos lang ang may karapatang wakasan ito. Alam ko iyon, alam na alam. Paulit-ulit ko ring sinabi sa sarili ko, na mali ito, na kasalanan ang gagawin ko, ngunit alam ko ring wala akong kakayahan.
Kaya pinili ko pa rin. Pinili kong tapusin bago pa man siya makita ng mundo. At mula noon, nagsimula na ang tunay na laban. Akala ko tapos na, na malaya na, na kung anong ginawa ko, 'yon ang nararapat. Iyon lang pala ang akala ko.
Hindi ako kinailangan ng korte para maramdaman ang parusa. Hindi ko kinailangan ng kulungan para maramdaman ang pagkakulong. Sa bawat tingin ng tao, ramdam ko ang hatol. Sa mga bulong sa likod ko, sa mga tanong na hindi tinatapos ng mga mata, alam ko kung ano ang iniisip nila. Minsan nga kahit walang sinasabi ang tao, pakiramdam ko sigaw na sigaw ang kanilang pagdudusta.
Pero mas mabigat ang boses sa loob ko.
May mga gabi na magigising ako na parang may bato sa dibdib. May mga araw na mahuhuli kong nakatitig ako sa isang batang tumatawa, at sa isang iglap, mararamdaman ko ang kirot. “Kung pinili ko kayang ipagpatuloy, ganyan na kaya siya kalaki ngayon?” At doon na naman magsisimula ang mga “Paano kung” na walang hanggan.
Mali ito, boses na patuloy umiikot sa'king ulo. Hindi lang dahil sa tingin ng batas o relihiyon ay nagkasala ako, kundi dahil sa sarili kong puso ay may parte akong naniniwalang mali. Kahit gaano ko ipaliwanag sa sarili ko na ginawa ko ito dahil wala akong kakayahan, dahil wala akong suporta, dahil alam kong mahihirapan siya at ako, hindi nawawala ang bigat. Parang anino na laging sumusunod, kahit anong liwanag ang abutin ko.
Sa huli, anumang sabihin ng batas, ng relihiyon, o ng lipunan, isang katotohanan ang nananatili: ang katawan ay sa babae, at ang desisyon ay dapat nakabatay sa kanya. Ngunit kasabay ng kalayaang iyon ay ang mabigat na desisyon ng pagpili—desisyon na walang makakaunawa nang lubos kundi siya mismo.
At kung maririnig mo lang ang sigaw ng puso ko tuwing mag-isa ako. Hindi ako masamang tao, pero ginawa ko ang isang bagay na kailanman ay hindi ko maipagmamalaki. Pinili ko dahil wala akong nakitang ibang paraan. Pinili ko dahil natakot ako. Pinili ko dahil alam kong mag-isa akong lalaban kung sakali.
At ngayon, dala ko ang bigat ng pagpiling iyon—hindi lang sa balikat, kundi sa kaluluwa. Kahit ilang taon ang lumipas, kahit ilang beses kong kumbinsihin ang sarili kong tama ang ginawa ko, may bahaging ako lang ang makakarinig sa tanong na paulit-ulit bumabalik sa akin gabi-gabi.
“Ginawa ko ba ang nararapat? Mapapatawad mo kaya ako, anak?”
No comments:
Post a Comment