Inilathala ni: Shaina Pajarillo
Petsang Inilathala: Agosto 29, 2025
Oras na Inilathala: 8:45 AM
Pilipinas. Kay sagana sa yamang likas. Mapa-yamang lupa, tubig, gubat, at mineral man, lahat ng ito’y pinagpala sa bansang silanganan. Siyang yaman na umakit sa ibang mga bansa at siyang rason kung bakit nasakop ang masaganang bayan. Ngunit, may iba pang yaman ang Pilipinas na kalimitang hindi napapansin sapagkat ito’y hindi nahahawakan: Lenggwahe.
Ang Pilipinas ay may higit sa 170 lenggwaheng sinasalita ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Isa sa mga dahilan nito ay ang mga hiwa-hiwalay na islang umaabot sa 7,600, na siyang bumubuo sa kapuluan ng bansa. Lahat may angking wika, lahat may matatawag na sariling salita. Marami ngunit iisa. Maaaring komplikado ito sa pananaw ng iba. Paano nga ba nakikipag-ugnayan ang mga Pilipino sa isa’t isa kung ang mga ito ay may kanya-kanyang lenggwahe?
Ang Filipino ay idineklarang Wikang Pambansa noong taong 1987 sa ilalim ng bagong Saligang Batas. Ito ay wikang ibinigkis mula sa iba’t ibang lenggwahe ng Pilipinas; wikang hanggang ngayon ay pinag-iisa ang mga mamamayan mula sa iba’t ibang pulo ng bansa at nagdadala ng iisang pagkakakilanlan: ang pagiging Pilipino.
Kung maipagpapalagay, ang Filipino ay tila isang malaking putahe na binuo ng mga rekado ng iba’t ibang lenggwahe. Lahat man ay may ambag sa pagkakabuo nito, may mga diyalekto pa rin na mas malalasap sa bawat kagat. Kilalanin pang lalo ang mga sangkap na ito sa anyo ng walong pangunahing lenggwahe sa Pilipinas.
TAGALOG: ANG WIKANG FILIPINO
“Kamusta ka?”
“Mahal kita.”
“Salamat.”
Naiintindihan mo ba ang mga ito? Malamang sa malamang ay oo, sapagkat ito ay nakasulat sa Tagalog.
Ang Tagalog ay ang puso ng wikang Filipino. Ito ay pangunahing wika ng 28 milyong Pilipino at ikalawang wika ng higit sa 90 milyong indibidwal. Masasabing ang Tagalog ay ang pinakamalasang rekado na ihinalo sa putaheng Filipino. Ito ay sapagkat ito ang basehan ng wikang Filipino, siyang dahilan kung bakit halos lahat ng mga salita sa pambansang wika ay nanggaling sa Tagalog.
Ang diyalektong ito ay hindi lamang diyalekto, ito ang isa sa mga importanteng susi tungo sa pag-unlad ng Pilipinas. Ang Tagalog ay ginagamit sa iba’t ibang industriya na bumubuo sa bayan. Kilala ng lahat at sinasalita ng lahat; Itinuturo sa mga bata at itinuturo ng mga matatanda. Ito ay makikita kahit saan, kahit kailan, sapagkat ito ang sentro ng wikang Filipino.
CEBUANO: KINI ANG PAGKATAWO SA NASUD
“Gihigugma tika.”
“Kaon ta.”
“Asa ka?”
Ang Cebuano o kilala bilang Bisaya o Binisaya, ay ang ikalawa sa listahan. Ito ay may higit sa 21 milyon na indibidwal na wumiwika nito at ang pangunahing lenggwahe ng Visayas, partikular sa Cebu kung saan ito nagmula, Bohol, at Negros, at isinasalita rin ng mga taga-Mindanao mula sa Davao at Cagayan De Oro.
Noon, bago pa man maging pinaka-winiwika ang Tagalog, ay Cebuano ang pinakaginagamit ng mga Pilipino mula 1950’s hanggang 1980’s. Kaya naman, masasabing malaki ang ambag ng lenggwaheng Cebuano sa kung ano man ang wikang Filipino sa kasalukuyang panahon.
Ang Cebuano ay ang diyalekto na ginagamit upang pagpasa-pasahan ang mayamang tradisyon ng mga tao mula sa silangang Pilipinas, na siya ring nagpapatuloy sa buhay ng kultura nito. Hindi maitatangging may angkin itong ganda at himig na nagbuhat sa Visayas at Mindanao.
HILIGAYNON: LENGUAHE NGA NAGAHIUSA SA TANAN
“Maayong adlaw.”
“Ambot!”
“Taga di-in ka?”
Ang Hiligaynon o Ilonggo ay winiwika ng tinatayang 7 milyong mga Pilipino, kadalasan ay nagmula sa kanlurang parte ng Visayas. Ito ay parte ng lenggwaheng pamilya ng Bisaya at malapit sa Cebuano at Waray kaya naman makikita ang pagkakapareho nito sa ibang mga diyalekto.
Mula pa noong taong 2012, ang lenggwaheng ito ay itinuturo sa iba’t ibang unibersidad upang mas makilala pa ang importansya nito sa wika’t kultura ng bansa. Kilala rin ang nasabing diyalekto sa katangian nitong banayad at mahimig kung i-wika. Malambot man ngunit mabigat ang epekto nito sa pang araw-araw na buhay ng maraming Pilipino.
ILOKANO: AGMAYMAYSA A PUSO KEN PANUNOT
“Ay-ayaten ka.”
“Naimbag a bigat.”
“Mangan ta.”
Ang Ilokano ay ang pangunahing diyalekto ng tinatayang 8 milyong indibidwal. Sinasalita ito ng mga Pilipinong naninirahan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at iba pang probinsyang nasa hilagang parte ng Pilipinas o rehiyon ng Ilocos.
Ito ay ang isa sa mga pinakamatandang lenggwahe sa Pilipinas at isa sa mga makasaysayang diyalekto na may ambag sa maraming aspeto ng bayan partikular na sa agrikultura.
Ang Ilokano ay may pagkakahawig sa wikang Malay at iba pang lenggwahe mula sa karatig bansa. Kamangha-manghang may hawig man ito sa ibang lenggwahe ngunit may katangi-tangi pa rin itong sarili bilang diyalekto.
BIKOLANO: KOMUN NA KATUYUHAN ASIN MGA PAGMATI
“Marhay na aga.”
“Dios Mabalos!”
“Magayon!”
Ang Bicolano o Bikolano ay ang lenggwaheng bumubuhay sa diwa ng 2.5 milyong Pilipino at ang pangunahing diyalekto ng rehiyon ng Bicol. Partikular itong ginagamit sa silangang parte ng probinsya ng Albay, kanluran ng Camarines Sur, hilagang-silangan ng Sorsogon, ibang parte ng mga probinsya ng Camarines Norte at Catanduanes, at karatig nitong mga rehiyon tulad ng Masbate.
Dahil sa madali at malayang pagpapahayag pagdating sa paggamit nito, kilala ito sa tila matigas na tono, na minsan ay nag-aanyong pagalit.
Sa kabila nito, ang lenggwaheng Bikolano ay nagpaparamdam pa rin ng magiliw na pagtanggap at isa pa ring importanteng parte ng buhay ng mga taong pangunahing diyalekto ito.
WARAY: MAY-ARA TUMONG NGA IPAKILALA NGAN MAGPATUBO
“Maupay nga udto!”
“Pasayloa ko.”
“Padayon!”
Ang Waray o Waray-waray ay dominanteng diyalekto ng 3 milyong Pilipino mula sa silangang Visayas, partikular sa lalawigan ng Samar at Leyte.
Ang salitang “Waray” ay literal na nangangahulugang “Wala” sa nasabing diyalekto. Kasalungat naman ng ibig sabihin nito ang nilalaman ng lenggwahe dahil sa halip na “wala” ay masasabing “masagana” ang Waray.
Mayaman sa tono, tunog, kulay, at pagiging direkta, dahilan upang kahit kulang man ang pagpapalaganap o pagsulong nito sa masa, sa midya man o sa panitikan, ito pa rin ay kinikilala at pinapahalagahan ng marami.
KAPAMPANGAN: GAWA YA KENG MAKUYAD A KULTURA AMPO AMLAT
“Mayap a abak.”
“Malaus kayu.”
“Mengan na ka?”
Natatandaan mo ba ang linya mula sa seryeng ‘Bagani’ na “Mekeni, mekeni dug dug doremi”? Alam mo ba na ang salitang “Mekeni” ay galing sa Kapampangan na nangangahulugang “Halika rito”?
Upang makilalang mabuti ang nasabing lenggwahe, alamin na ang Kapampangan ay winiwika ng 3 milyong mga Pilipino mula sa Central Luzon, partikular sa kabuuan ng Pampanga, at ibang mga parte ng Tarlac at Bataan. Ito ay kilala dahil sa kakaiba nitong sistema ng tunog at gramatika, siyang lalong nagpatingkad sa makulay nitong likas na katangian.
Ang diyalektong ito ay tradisyonal na tinatawag na “AmΓ‘nung SΓsuan” na nangangahulugang “pinasuso ng ina” o sa di-literal na kahulugan ay “Inarugang lenggwahe”. Sa malalim na kahulugan nito, sinasabing ang Kapampangan ay ang kanilang wikang kinalakihan at kinagisnan.
PANGASINAN: IPAPANENGNENG TO YA SAY PAGMALIW YA PILIPINO ET MAYAMAN AT MAKAPAMALSA
“Kamusta ka la?”
“Maong a nakabat taka.”
“Maabig ya kaboasan!”
Ang Pangasinan o kilala bilang Pangasinense ay may tumatayang 1.5 milyon na mga nagsasalita nito. Ito ay nagmula sa lalawigan ng Pangasinan at siyang parte ng buhay ng mga naninirahan dito. Ang lenggwaheng ito ay kilala rin sa bukod-tangi nitong ponolohiya at gramatika.
Ang Kuritan, na may kaugnayan sa Baybayin ng Tagalog at Kavi Script ng mga Hapon, ay ang dating paraan upang maisulat ang diyalektong Pangasinan. Sa kasalukuyang panahon ay katulad na rin ito ng maraming diyalekto sa Pilipinas na gumagamit ng alpabetong nagmula sa Latin. Ito rin ay naimpluwensyahan ng maraming salita mula sa Kastila noong panahon ng kolonyalismo.
May kaugnayan man ito sa iba’t ibang lenggwahe ay sarili pa rin itong pag-aari ng mga Pilipino sa Pangasinan— ang kanilang salita at pagkakakilanlan.
Ang walong ito ay ilan lamang sa higit na 170 na lenggwahe mula iba’t ibang parte ng Pilipinas. May kani-kaniyang salita, estruktura, kulay, at identidad, ngunit masasabing atin— angking Pilipino lamang.
Marami man ang ang numerong 170 para sa iba, ang 170 na lenggwahe na ito ay may dala-dalang kwento, mensahe, kultura, at kasaysayang humulma sa kung ano ang perlas ng silanganan ngayon. Na tila ba ang wikang ibinuklod nito, ang Filipino, ay isang likas na yaman. Ito’y kinagisnan at pinaunlad ng mga mamamayan at naimpluwensiyahan din ng mga dayuhang sumakop sa bansang sinilangan. Ngunit di katulad ng ginto o anumang pampalasa na pakay sa atin ng mga banyaga, hinding-hindi nila makukuha sa atin ang ating angking wika.
Kung babalikan ay tila isang malaki at masarap na putahe ang wikang Filipino na hinaluan ng mga rekado mula sa iba’t ibang lugar ng bayan, siyang lalong nagpalasa, nagpakulay, at nagpayaman sa hain na para lamang sa hapag-kainan ng mga Pilipino.
Isang putaheng karapat-dapat lamang na ibahagi at ipamana sa mga susunod na henerasyon upang hindi ito mawala nang tuluyan. Ito ay ang ating depinisyon— ang ating kahulugan at ang ating pagkakakilanlan.
Bago natin lasapin ang putaheng ito, lagi nating tatandaan na ang wikang Filipino, kini ang pagkatawo sa nasud. Ito ang lenguahe nga nagahiusa sa tanan na may agmaymaysa a puso ken panunot, at may komun na katuyuhan asin mga pagmati. Ito ay may-ara tumong nga ipakilala ngan magpatubo— wikang gawa ya keng makuyad a kultura ampo amlat at siyang ipapanengneng to ya say pagmaliw ya Pilipino et mayaman at makapamalsa.
O sa wikang pambansa: Ang wikang Filipino, ito ang pagkakakilanlan ng bansa. Ito ang wikang nagkakaisa sa lahat na may iisang puso at isip, at may iisang layunin at damdamin. Ito ay may adhikain na magpakilala’t magpaunlad— wikang binubuo ng kultura’t kasaysayan at siyang nagpapakita na ang pagiging Pilipino ay pagiging masagana at mapanlikha.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Wordsprime Team. (2024, June 14). How many dialects in the Philippines? [2025]. Wordsprime. https://wordsprime.com/how-many-dialects-in-the-philippines-2/
[2] Ang Kasaysayan ng Wikang Filipino. (2016, July 24). PINASanaysay. https://pinasanaysay.wordpress.com/2016/06/25/ang-kasaysayan-ng-wikang-filipino/
[3] Amora, P. (2025, February 12). The 8 Most Spoken Filipino Dialects: A Fascinating Exploration [2025] » GoldenIslandSenorita.Net. GoldenIslandSenorita.Net. https://goldenislandsenorita.net/most-spoken-filipino-dialects/
[4] Tirosh, O. (2021, October 13). The Philippines’ Language Report: What language is spoken in the Philippines? https://www.linkedin.com/pulse/philippines-language-report-what-spoken-ofer-tirosh#:~:text=of%20the%20Philippines.-,Cebuano,of%20the%20country's%20official%20languages.
[5] Jjlesterjj. (n.d.). Waray: a Major Language in Philippines. Scribd. https://www.scribd.com/doc/23727999/Waray-a-Major-Language-in-Philippines
[6] Love All Languages. (2019, August 30). What is the KAPAMPANGAN Language? (Amanung Sisuan) [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=S7f8G7BZp7Y
No comments:
Post a Comment