Inilathala ni: Jeliana Atabay
Petsang Inilathala: Agosto 29, 2025
Oras na Inilathala: 7:50 AM
Kategorya: Tula
Tema: Ang pag-ibig na dumating bilang pag-asa ngunit nagdulot ng mas malalim na sakit
Sa isang lugar na nililok ng gabi,
kung saan ang mga tala
ay hindi nagsisilbing gabay,
kundi mga lansangang bakal
na humahaplos sa balat ng dilim.
Doon ako nananahan,
kung saan niyayakap ang sakit
na sa sobrang tagal
ay natutunan kong huminga
kahit sa sikip ng pagkakagapos.
Hanggang sa dumating ka—
isang talang sumungkit
sa kandadong matagal nang kinakalawang.
Binuksan mo ang pinto,
at muli kong natikman ang hangin
na walang halong lumbay at panglaw.
Akala ko iyon na ang umaga,
ngunit ito'y liwanag lang pala ng bituing kumikislap
bago muling lumubog.
Iniwan mo ako sa parehong kulungan,
ngayo’y mas makitid,
mas mabigat ang bawat harang
dahil bitbit nito ang bagong sugat
na iniwan mo.
Sanay naman ako sa katahimikan nito,
ngunit bakit mo pinalasap
ang kalayaan ng langit
para lamang ibalik ako
sa mapanuring tingin ng mga tala?
Sana pala’y hindi na lamang kita natagpuan.
No comments:
Post a Comment