Wednesday, October 8, 2025

𝗣𝗔𝗡𝗜𝗧𝗜𝗞𝗔𝗡: "Ang Orasan sa Kahon" ni Franceil Ann Lorraine B. Arciaga

 

Disenyo ni Cristian Tulisana

Inilathala ni Sophia Garcia

Petsang Inilathala: Oktubre 10, 2025

Oras na Inilathala: 2:02 pm


KATEGORYA: Prosa

TEMA: Pagtanggap sa pagdaan ng oras at panahon.


"Tik tak tik tak" Sambit ng orasan sa ibabaw ng altar ni Hiraya. Paborito niyang tambayan ang altar sa tuwing inaalala niya ang mga bakas at tamis ng kahapon— ang kaniyang kabataan. 


Ang orasan ang nagsisilbing kasama niya sa tuwing ang kaniyang puso ay umaalala ng kaniyang kabataan. Ang mga tawanan, kuwentuhan, at kasiyahan. 


Noong bata si Hiraya ay isa lamang ang kaniyang kinakatakutan— ang pagtanda. Hindi niya alam kung bakit, isang pananaw na hindi niya alam ang kasagutan. Ngunit alam niya sa kaibuturan ng kaniyang puso na ito ay mayroong dahilan.


Isang araw, ginawa niya ang isang mabigat na desisyon. Itinago niya sa kahon ang orasan.


Ngayon, habang nakatitig sa kahon, unti-unti niyang naunawaan—ang pagtanda’y hindi sumpa kundi awit ng panahon, isang himig na dahan-dahang humahaplos sa puso’t kaluluwa. Hindi ito wakas kundi isang paglalakbay na puno ng mga lihim at pangarap na nakatago sa mga hibla ng oras.


At sa bawat pag-ikot ng orasan, sa bawat tik-tak na kanyang dinarama, dumadaloy ang kwento ng buhay—isang tula ng pag-asa, pagtanggap, at pagmamahal sa mga sandaling hindi na maibabalik, ngunit maaaring sambahin.


Sa puso ni Hiraya, ang orasan ay naging musika ng kaniyang buhay, isang paalala na sa likod ng takot ay may kagandahang naghihintay, at sa bawat pagtatapos ay may bagong simula.

No comments:

Post a Comment