Dibuho ni: Arashel Mei Cinco
Inilathala ni: Lady Yoohee P. Catapang
Petsang Inilathala: Nobyembre 18, 2025
Oras na Inilathala: 7:34 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Toga bilang simbolo ng tagumpay at pagkakaibigan
“Malapit na… pero ayaw ko pa.”
Iyan ang mga salitang paulit-ulit na bumabalik sa isip ko tuwing naiisip kong malapit na tayong magsuot ng toga. Kayo ang mga kasama ko mula pa noong unang araw ng pasukan—sa inyo ko unang naramdaman ang tunay na saya at ang pagiging totoo ng isang kaibigan.
Ang makilala kayo ay isang biyaya. Sa inyo ko naramdaman ang kahalagahan ng pagkakaibigan—yung simple ngunit totoo. Marami tayong nabuo na alaala; mula sa mga simpleng tawanan at kwentuhan hanggang sa mga sabay-sabay na cramming kapag may project o quiz kinabukasan. Hindi ko malilimutan ang mga gala natin pagkatapos ng klase at ang paulit-ulit na pagtatalo kung saan tayo kakain o pupunta. Sa bawat sandaling kasama ko kayo, napapawi ang pagod at bigat ng mga gawain na tila walang katapusan.
Hindi pa ako handang magsuot ng toga—hindi dahil ayaw kong magtapos ng pag-aaral, kundi dahil ayaw ko pang matapos ang mga araw na kayo ang aking kasama. Alam kong hindi ko mapipigilan ang takbo ng mundo, ngunit umaasa ako na kahit mag-iba man ang ating mga landas, mananatili tayong magkakaibigan.
Darating ang araw na haharap tayo sa bagong yugto ng buhay, ngunit sa puso ko, kayo pa rin ang mga taong nagbigay kulay at saya sa aking paglalakbay. Sa bawat tagumpay na darating, lagi kong maaalala na minsan, sa panahong puno ng pagod at kaba, nariyan kayo—ang mga kaibigang itinuring kong pamilya.
At kapag dumating na ang araw na suot na natin ang toga, alam kong may mga matang mapupuno ng luha—hindi dahil sa lungkot, kundi dahil sa tuwa at pasasalamat. Sapagkat sa likod ng bawat ngiti at yakap, may mga alaala tayong bubuhatin habang buhay.
Ang toga ay hindi lamang simbolo ng pagtatapos, kundi paalala ng lahat ng hirap, ngiti, at pagkakaibigang nabuo. Ito ay tanda ng mga gabing puyat, ng mga proyektong tinawanan kahit stressful, at ng mga pangarap na unti-unting nagiging totoo.
Kaya kahit mahirap magpaalam, pipilitin kong ngumiti, dahil alam kong kung saan man tayo dalhin ng buhay, dala-dala natin ang mga aral, ang tawanan, at ang samahan na minsan ay naging tahanan natin sa loob ng paaralan.
Kahit saan tayo makarating, sana ay magkita pa rin tayo sa dulo—mga nakangiti, matagumpay, at may pusong puno ng pasasalamat. Dahil kahit matapos man ang kabanatang ito, hindi matatapos ang kwento natin.

No comments:
Post a Comment