Thursday, February 5, 2026

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Lapit o Layo” ni Gee Anne Robles

Dibuho ni: Erika Yohanne Coronel

Inilathala ni: Jadelynn Arnigo

Petsang Inilathala: Pebrero 5, 2026

Oras na Inilathala: 4:10 PM


Kategorya: Tula

Tema: Tungkol sa pagpili ng sarili sa gitna ng kalituhan ng damdamin, paglapit at paglayo ng puso.


Minsan, ang ngalan mo’y
dumadampi sa dibdib ko—
banayad, tulad ng gabing
nagbubukas muli ng alaala
na matagal ko nang isinasara.

Maamo ka,
mahinhin kung magsalita,
at may lambing na madaling paniwalaan.
Pero natutunan ko na
hindi lahat ng mabait
ay tahanan para sa pusong pagod.

Naalala ko pa ang isa—
‘yung nagsabing ako ang kanyang tahanan
ngunit ako’y iniwan sa gitna ng katahimikan.
Binigay ko ang lahat noon,
hanggang wala nang natira
kundi mga pangakong hindi tinupad.

Kaya nang dumating ka,
dala ang salita at pag-aalagang
tila handang maghintay,
naging madali ang matakot;
baka sa dulo,
ako na naman ang maiiwan.

Gusto kitang lapitan—
may init kang nakakaengganyong umuwi.
Pero sa bawat hakbang,
paalala ng sarili kong paghilom:
Hindi sapat ang lambing
para punuin ang aking halaga.

Minsan gusto kita,
minsan hindi.
At ngayon, doon ako nakatayo
sa pagitan ng paglapit at paglayo,
ng pag-ibig at paghilom—
sa espasyong hindi sigurado
pero totoo.

Dito ko natutunan:
may mga damdaming hindi kailangang ipilit,
may mga taong dadaan lang
para ipaalala
kung paano unahin ang sarili.

Sapat ka, marahil.
Ngunit ako—
ako muna.
Hanggang matutunan kong magmahal muli
nang hindi ko kailangang iligtas ang sarili ko.

No comments:

Post a Comment