Wednesday, July 29, 2026

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Kain Tayo?” ni Chrissa Salvador

 


Dibuho ni: Blessed Gift Paradina

Inilathala ni: Kyla Shane Recullo

Petsang Inilathala: Hulyo 29, 2026

Oras na Inilathala: 5:25 AM


KATERGORYA: Prosa

PAKSA: Ang pagsasama-sama ng pamilya sa hapag-kainan.


Gutom na gutom ka na ba mula sa mahabang araw?


Noong bata pa tayo, simple lang ang buhay. Pagkarinig natin sa boses ni nanay o tatay na sumisigaw ng kakain na, agad tayong tumatakbo sa hapag-kainan. Walang dalawang isip, walang pag-aalinlangan, basta pagkain ang usapan.

 

Ngayong medyo malaki na tayo, marami na tayong inaasikaso. Minsan, sa sobrang abala sa pag-aaral o sa mga hilig natin, nakakalimutan na nating kumain sa tamang oras. Kahit sumasakit na ang tiyan, ipinagpapaliban pa rin natin ang pagkain dahil may mahalaga pa tayong tinatapos. Pero aminin natin, masarap pa ring magpahinga kahit sandali.


Hindi lang naman basta pagpuno ng tiyan ang pagkain. Isa rin itong paraan para magkausap-usap. Mas masarap magkuwentuhan tungkol sa mga nangyari sa buong araw kapag may kaharap na mainit na kanin at ulam. Dito natin nailalabas ang mga tawa at kahit na ang mga munting lungkot natin, pati na rin ang ating mga kwentuhan sa mga nangyari sa atin buong mag-araw.

 

Kahit ano pa ang nasa ibabaw ng mesa—itlog, isda, o manok man—mas nagiging espesyal ito kapag may kasabay sa pagkain. Simple man o mamahalin ang ulam, mas mahalaga pa rin ang kuwentuhan at tawanan ng mga magkakasalo. Ang tunay na nagpapasarap sa pagkain ay ang presensya ng mga kasama natin. Ito ang mga sandaling muli tayong nagiging malapit sa isa't isa matapos ang buong araw na pagkakaabala.


Kaya kung nandiyan ka pa rin sa harap ng iyong mga gawain at tila nakalimutan mo na ang oras, subukan mo munang huminto. Iwanan mo muna ang iyong mga ginagawa kahit ilang minuto lang. Bigyan mo ng pahinga ang iyong isip at katawan dahil kailangan mo rin ng lakas para magpatuloy.

 

Nakahanda na ang lamesa at naghihintay na ang mga plato. Tara na, bitawan mo muna ‘yan at sumabay ka na sa amin.

 

Kain tayo. Ano tara?

No comments:

Post a Comment