Wednesday, July 29, 2026

𝗕𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔𝗡𝗚 𝗜𝗦𝗣𝗢𝗥𝗧𝗦: "NLEX nanatiling walang talo, tinambakan ang Titan Ultra" ni Mary Joanne Tuyan



Disenyo ni: Mark Adriele Tan

Inilathala ni: Kyla Shane Recullo

Petsang Inilathala: Hulyo 29, 2026

Oras na Inilathala: 9:20 AM


Umarangkada sa malinis na 3-0 rekord ang NLEX nang tambakan nito ang Titan Ultra, 135-100, sa PBA Season 50 Governors' Cup noong Hulyo 14 sa Ynares Center sa Antipolo City


Mula sa opening quarter, kontrolado na ng NLEX ang laban at pinalobo ang kanilang kalamangan sa pamamagitan ng balanseng opensa at matatag na depensa, sa pangunguna ni Schonny Winston na nagtala ng 30 puntos, habang nag-ambag sina Robert Bolick ng 29 at DeQuan Jones ng 22 puntos.


Sa first quarter, maagang diniktahan ng NLEX ang tempo ng laro at agad na naglatag ng kalamangan laban sa Titan Ultra. Sa pamamagitan ng kanilang mahusay na opensa at organisadong depensa, nagtapos ang unang yugto sa 30-24 na lamang pabor sa Road Warriors.


Dinala ng NLEX ang kanilang momentum sa second quarter at lalo pang pinalawak ang bentahe sa pamamagitan ng magkakasunod na matagumpay na opensa. Naging mahalagang sandali ang fastbreak basket ni Schonny Winston sa nalalabing minuto bago ang halftime, na nagbigay sa Road Warriors ng 59-36 na kalamangan na nagpahirap sa Titan Ultra na makagawa ng comeback.


Sa pagbubukas ng third quarter, nagawang putulin ng Titan Ultra ang scoring run ng NLEX. Dahil dito, nabawasan ang agwat sa 63-72 sa nalalabing minuto. Ngunit, mabilis na bumawi ang NLEX sa pamamagitan ng magkakasunod na puntos at muling pinalawak ang kanilang kalamangan upang tapusin ang yugto sa 97-82.


Sa huling yugto ng laro, hindi na muling nakahanap ng pagkakataon ang Titan Ultra na makabalik sa laban dahil ipinagpatuloy ng NLEX ang kanilang balanseng opensa at mahigpit na depensa. Sa tuloy-tuloy na ambag ng kanilang mga manlalaro, tuluyan nilang isinara ang laro sa iskor na 135-100 upang maitala ang kanilang ikatlong sunod na panalo at mapanatili ang kanilang malinis na 3-0 rekord sa PBA Season 50 Governors' Cup.


Binigyang diin ni Coach Jimmy Alapag ang kontribusyon ng iba’t ibang manlalaro na naging susi sa panalo ng NLEX laban sa Titan Ultra. "I think we’re getting a lot of contributions from different guys obviously," ani coach Alapag.


Sa panalong ito, umangat ang NLEX sa malinis na 3-0 rekord upang patatagin ang kanilang puwesto sa Group A ng PBA Season 50 Governors' Cup. Susunod nilang makakaharap ang San Miguel Beermen sa isang laban na inaasahang susubok sa kanilang hangaring manatiling walang talo.


MGA SANGGUNIAN:

ABS-CBN News. (2026, July 14). PBA: NLEX overwhelms Titan Ultra, improves to 3-0 in Govs Cup.https://www.abs-cbn.com/sports/basketball/2026/7/14/pba-nlex-overwhelms-titan-ultra-improves-to-3-0… 


Cadayona, R. (2026, July 15). Walang makapigil sa Road Warriors. https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/palaro/2026/07/15/2542210/walang-makapigil-sa-road-warriors

No comments:

Post a Comment