Disenyo ni: Erelah Janika Geniza
Inilathala ni: Kyla Shane Recullo
Petsang Inilathala: Hulyo 13, 2026
Oras na Inilathala: 9:20 AM
Sa mundong puno ng kabataang malayang naglalaro sa kalsada, may mga batang dapat sana'y malaya nilang nararanasan ang saya ng pagkabata. Na dapat ay wala silang ibang iniisip kundi tamasin ang kanilang pagkabata at magsaya sa kanilang buhay. Isa na rito si Maleen, isang batang nangangarap na makapasok sa University of the Philippines Diliman (UPD) at handang magsikap sa murang edad upang makamit ang kaniyang mithiin.
Si Maleen ay isang batang sumikat sa TikTok. Nakilala siya matapos ibahagi ni Noah, Fine Arts student sa UPD ang isang bidyo. Sa kaniyang kapsyon, ipinakilala niya ang batang nag-aalok ng portrait na drawing at isinalaysay ang kaniyang naging opinyon sa sitwasyon ni Maleen. Mula rito, umabot sa libo-libong tao ang video at patuloy na hinahangaan at ibinabahagi ng lahat.
SAMPUNG PISONG SINING
Sa gitna ng malawak na damuhan ng UPD, na mas kilala bilang Sunken Garden, kung saan nagtitipon ang mga mag-aaral, pamilya, at iba pang mga bumibisita upang magpahinga at maglibang, makikita si Maleen na tahimik na nag-aalok ng pagguhit ng portrait. Habang ang iba ay nagpapalipas ng oras sa pamamasyal, siya naman ay gumugugol ng bawat sandali sa pagguhit ng mga larawan sa halagang sampung piso, dala ang pag-asang unti-unti siyang mailalapit nito sa kaniyang pangarap.
Ang kaniyang kinikita ay inilalaan niya bilang baon sa pagpasok sa paaralan. Noong una, isang halos pudpod na lapis lamang ang kaniyang gamit sa pagguhit. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang kaniyang ginagawa. Hindi rin siya humihingi ng higit pa sa sampung piso sapagkat para sa kaniya, sapat na ang marangal na paraan ng paghahanapbuhay.
"Hindi po ako namamalimos kasi parang pinapatay ko na rin po ang magulang ko," ani niya. Hindi siya naghahanap ng awa, kundi ng pagkakataong kumita sa paraang marangal. Sa murang edad, nauunawaan na niya ang halaga ng dignidad, pagsisikap, at pagmamahal sa kaniyang mga magulang.
DANGAL SA BAWAT GUHIT
Maaaring hindi pa kasing pulido ng mga bihasang mangguguhit ang mga obra ni Maleen, ngunit sa bawat sketch ay simbolo ng kaniyang talento, tiyaga, at pagmamahal sa sining.
Hindi lamang nagsisilbing libangan o pagkakakitaan ang pagguhit para kay Maleen. Isa rin itong paraan upang maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at mabawasan, kahit paano, ang pasaning dinadala ng kaniyang mga magulang.
Ngunit marami ang nagtataka kung bakit sampung piso lamang ang halaga ng bawat portrait, sumasagot siya nang may ngiti sa labi ngunit may bigat na dala ng kaniyang realidad. Ani niya, saka na lamang siya magtataas ng presyo dahil mahal pa ang bilihin at nais niyang manatiling abot-kaya ang mga guhit.
KATOTOHANANG MULAT
"Mukhang 'di naman po ako papasa, kasi hindi naman po ako matalino at mayaman," saad ni Maleen. Sa murang isip, nabuo sa kaniya ang paniniwalang ang mga prestihiyosong pamantasan ay para lamang sa mga may kakayahan sa buhay at sa mga itinuturing na pinakamahuhusay.
Maaga niyang natutuhan na hindi pantay ang oportunidad na kinahaharap ng bawat bata. Bagama't hindi lahat ay nagsisimula sa parehong kalagayan, pinipili pa rin niyang magsumikap at kumapit sa pag-asang balang araw ay maaabot din niya ang kaniyang mithiin.
Sa halip na paglalaro at pag-aaral lamang ang kaniyang iniisip, pasan din niya ang hangaring makatulong sa kaniyang pamilya. Alam niyang ang bawat maliit na hakbang ay maaaring maging daan tungo sa mas magandang kinabukasan.
KAMAY NA UMALALAY
Milyun-milyong manonood ang nakaabot sa video ni Noah sa TikTok, at libo-libo sa kanila ang naantig sa kuwento ni Maleen. Mula sa simpleng pagguhit sa Sunken Garden, naging inspirasyon siya ng mga taong nakakita ng kaniyang pagsisikap.
Mula sa batang gumagamit ng halos pudpod na lapis, mayroon na siyang mga bagong kagamitan sa sining na ipinagkaloob ng mga taong naniwala sa kaniyang pangarap. Ang mga simpleng tulong na kaniyang natanggap ay naging patunay na may mga taong handang umalalay sa mga batang nagsisikap.
Mas naging makulay ang bawat guhit ni Maleen, hindi lamang dahil bago ang mga ito, kundi dahil sa pag-asang iginuhit ng mga taong piniling maging bahagi ng kaniyang paglalakbay.
PATULOY KITANG MAMAHALIN
’Di mo man marinig, 'di mo man madama. Minsan, ang mga pangarap ay hindi palaging naririnig o nadarama ng ibang tao, ngunit may mga paraan upang maipahayag ang mga ito.
Tulad ni Maleen, hindi man niya ito palaging naipapahayag sa salita, naipakikita naman niya ito sa bawat hagod ng lapis at krayola. Sa bawat guhit, unti-unti niyang binibigyang-buhay ang kaniyang pangarap. Mas nagiging malinaw sa kaniya ang kaniyang mithiin na makapagtapos ng pag-aaral.
Ang kuwento ni Maleen ay nagsisilbing paalala na ang talento ay nararapat bigyang-pansin, anuman ang edad o antas ng buhay. Higit pa rito, ipinakikita niyang ang edukasyon ay hindi dapat maging pribilehiyo ng iilan, kundi karapatan ng bawat kabataan. Sa halip na hayaang manatiling pangarap lamang ang kanilang mithiin, maaari tayong maging bahagi ng kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng pagsuporta at paniniwala sa kanilang kakayahan.
Sa sining na nagbibigay-buhay sa mga pangarap, walang sinuman ang dapat mapagkaitan ng pagkakataong matuto at makapag-aral. Huwag nating hayaang manatiling guhit lamang ang kanilang mga pangarap. Sa halip, sama-sama natin itong kulayan, bigyang-buhay, at gawing realidad.
MGA SANGGUNIAN:
Pulido, M. at Veneracion, J. (2025, January 11). 11-anyos na bata, pasan ang mabibigat na kawayan para kumita. GMA News. https://youtu.be/uWO0PZ6Bvrc?si=iuwl8H8Kbr1YWAwp
Romblon, N. [@nowas.arkk]. (2026, July 1). Ang batang nagda-drawing sa UP [Video]. TikTok. https://vt.tiktok.com/ZSX1THCky/@nowas.arkk
Vivo, I. [@icnsrv]. (2026, July 5). One of the reasons I'm so determined to succeed in life is because of kids like her [Video]. TikTok. https://vt.tiktok.com/ZSX1TtNsS/@icnsrv

No comments:
Post a Comment