Monday, August 17, 2026

π—•π—”π—Ÿπ—œπ—§π—”: “Apoy, tumupok sa tatlong-palapag na Mall sa Laguna” ni John Resty Merano


Disenyo ni: Pryce Yunique Cabezas

Inilathala ni: Beatrice Isabel Miole

Petsang Inilathala: Agosto 17, 2026

Oras na Inilathala: 11:53 AM


Nilamon ng apoy ang isang tatlong-palapag na mall sa Barangay Santisima Cruz, Santa Cruz, Laguna, noong Biyernes ng gabi, Agosto 14, na umabot sa ikaapat na alarma at nagpakilos ng 20 na fire truck.

Ayon sa mga empleyado ng mall, pasado alas-10 ng gabi nang mapansin nila ang makapal na usok na nagmumula sa loob ng gusali. Sinabi ni Mark Evangelio, head guard ng mall, na wala pa silang nakikitang apoy nang una nilang matukoy ang usok.

Lalong lumakas ang apoy bandang alas-3 ng madaling araw noong Sabado, ayon kay Manuel Malahito, kagawad ng Barangay Santisima Cruz.

Dahil sa tindi ng sunog, bumigay ang ilang bahagi ng gusali kaya nahirapan ang mga bumbero na makapasok. 

Ayon kay Fire Senior Inspector Cesar Morfe, municipal fire marshal ng Santa Cruz Bureau of Fire Protection (BFP), naglalaman ang mall ng mga synthetic at iba pang madaling masunog na materyales.

Nagpakilos ang BFP at mga volunteer firefighter ng humigit-kumulang 20 na fire truck upang apulahin ang apoy at protektahan ang mga kalapit na kabahayan.

Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente, ayon sa BFP, at bukod pa rito, wala ring nailigtas na gamit ang mga empleyado dahil sa lawak at tindi ng sunog.

Idineklara na Fire Out ang sunog pasado alas-11 ng umaga noong Sabado, Agosto 15, matapos ang halos 12 oras na operasyon ng mga bumbero.

Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang pinagmulan ng sunog at tinataya ang lawak at halaga ng pinsala. 

Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng tulong pinansyal para sa mga empleyadong maaaring mawalan ng trabaho dahil sa insidente.


SANGGUNIAN:

Deveza, R. (2026, August 15). Tatlong palapag na mall sa Laguna, nilamon ng apoy. ABS-CBN News. 

https://www.abs-cbn.com/news/regions/2026/8/15/3-palapag-na-mall-sa-laguna-nilamon-ng-apoy-1914

No comments:

Post a Comment