Dibuho ni: Blessed Gift Paradina
Inilathala ni: Jannah Pauline Beldad
Petsang Inilathala: Agosto 10, 2026
Oras na Inilathala: 12:16 PM
Kategorya: Prosa
Paksa: Pag-ibig
Madalas kong marinig na madali raw akong mahalin. Pero ayokong mahalin bilang isang ideya lamang. Baka nakakayanan lang nila akong mahalin dahil sa bersyon sa’kin na madaling tanggapin—ang bahaging magaan kasama at madaling unawain.
Paano kung magbago iyon kapag nakita na nila ang mga katangiang pilit kong itinatago? Kapag kupas na ang unang paghanga at wala nang natitirang ilusyon, mananatili pa rin ba ang pagtingin nila sa akin? O habang mas nakikilala nila ako, unti-unti rin ba nilang pinipiling bitawan ang pagmamahal nila sa akin?
Marahil, ang tangi lamang nilang tinatanggap ay ang bersyon kong madaling makaunawa, handang makinig, at sa bersyon kong laging nandiyan. Pero hindi lang iyon ang kabuuan ko. May mga araw na hindi ako matatag, may mga sandaling hindi ko kayang akuin ang bigat ng iba.
Ayokong tanggapin nang pira-piraso. Kung mamahalin mo ako, mahalin mo ako nang buo—kasama ang mga bahagi kong hindi madaling unawain, ang mga katahimikang wala akong maibigay, at ang mga panahong ako naman ang nangangailangan.
Ayokong maging panakip-butas sa kakulangan ng iba. Gusto kong piliin hindi lamang dahil sa kung ano ang naibibigay ko, kundi dahil sa kung sino ako.
Huwag mo akong mahalin bilang isang imaheng nabuo sa isip mo. Mahalin mo ang kabuuan ko, hindi lamang ang mga bahaging madaling tanggapin.
Sapagkat ang pag-ibig ay hindi sinusukat sa ganda ng ating naisip tungkol sa isang tao, kundi sa pagpiling manatili matapos makita ang mga katangiang hindi niya kailanman ipinagmamalaki.

No comments:
Post a Comment