Disenyo ni: Summer Maggay
Inilathala ni: Mardin Rheyziel Nungay
Petsang Inilathala: Agosto 18, 2026
Oras na Inilathala: 7:03 AM
Ibinahagi ng BTS member na si Kim Taehyung, na mas kilala bilang V, ang kaniyang problema sa pandinig sa kanang tainga sa isang Weverse livestream noong Agosto 12, habang nagpapatuloy ang ARIRANG World Tour ng grupo.
Ayon kay V, humigit-kumulang dalawa at kalahating taon na niyang nararanasan ang problema. Aniya, mas mahina nang malaki ang kaniyang pandinig sa kanang tainga kumpara sa kaliwa.
Sinabi ng singer na lumala ang kaniyang kondisyon habang ginagampanan niya ang mandatory military service sa South Korea. Noong una, inakala niyang kailangan lamang niyang maging mas matatag sa pag-iisip, kaya hindi niya agad pinansin ang kaniyang kondisyon.
Kalaunan, mas binigyang-pansin ni V ang kaniyang kalusugan at nagsimulang magpagamot. Sinabi niyang regular siyang nagpupunta sa ospital at umiinom ng gamot para sa kaniyang kondisyon.
Sa naturang livestream, ibinahagi rin ng kapwa BTS member na si Jungkook ang kaniyang pinsala sa binti na maaaring mauwi sa stress fracture. Patuloy pa rin siyang nagtatanghal habang inaalagaan ang kaniyang pinsala.
Ibinahagi ni V ang kaniyang kondisyon habang naghahanda ang BTS sa pagbabalik bilang isang buong grupo matapos makumpleto ng mga miyembro ang kanilang mandatory military service.
Muling magtatanghal nang magkakasama ang lahat ng pitong miyembro ng BTS sa Pilipinas matapos ang halos isang dekada.
Patuloy namang ipinapahayag ng mga tagahanga ang kanilang suporta kay V at hinihikayat siyang unahin ang kaniyang kalusugan sa gitna ng kanilang tour.
Nakatakdang magtapos ang ARIRANG World Tour sa Pilipinas, na may tatlong concert sa Marso 13, 14, at 16, 2027, sa Philippine Sports Stadium sa Bocaue, Bulacan.
MGA SANGGUNIAN:
Kreps, D. (2026, Agosto 13). BTS member V reveals hearing-loss issues amid world tour. Rolling Stone.https://www.rollingstone.com/music/music-news/bts-member-v-hearing-loss-issues-world-tour-1235607924/
Purnell, K. (2026, Agosto 15). V of BTS reveals hearing loss while on tour. Philstar. https://www.philstar.com/lifestyle/health-and-family/2026/08/15/2549483/v-bts-reveals-hearing-loss-while-tour/amp/
Sibug, M. C. (2026, Agosto 15). V of BTS opens up about two-and-a-half-year struggle with hearing loss. The Manila Times. https://www.manilatimes.net/2026/08/15/entertainment-lifestyle/v-of-bts-opens-up-about-two-and-a-half-year-struggle-with-hearing-loss/2406209
No comments:
Post a Comment