Tuesday, August 18, 2026

𝗣𝗔𝗡𝗜𝗧𝗜𝗞𝗔𝗡: “Sa Bawat Buhay” ni Chrissa Jean A. Salvador

 


Disenyo ni: Desiree Jane S. Baligod

Inilathala ni: Lanaia C. Paulin

Petsang Inilathala: Agosto 18, 2026

Oras na Inilathala: 8:26 AM


Kategorya: Prosa


Tema: Ang pag-ibig na walang hanggan at hindi kayang sirain ng panahon, tadhana, o maging ng kamatayan.

 

"𝘐𝘬𝘢𝘸 𝘣𝘢 '𝘺𝘢𝘯?"

 

Ang simpleng tanong na iyon ay tila isang maikling bulong sa hangin, ngunit sapat upang patigilin ang buong mundo ko.

 

Sa gitna ng siksikan at maingay na dagsa ng mga taong walang kinalaman sa aming kuwento, naging tahimik ang paligid. Sa tapat ng tindahan, nakatayo siya—ang babaeng tila pamilyar ang bawat galaw kahit sa ilalim ng bagong mukha at bagong panahon.

 

Kahit saang buhay ako mapadpad, may isang matinding sakit at pananabik sa dibdib ko na hindi kailanman nawawala. Parang laging may kulang. Isang bakanteng puwang sa aking kaluluwa na hindi kayang punan ng kahit anong saya o kaganapan sa mundong ito. Ito ay ang patuloy na paghahanap sa kalahati ng aking pagkatao—isang nauuhaw na damdaming nagpapaalala sa akin na hindi ako buo tuwing malayo ako sa kaniya. Ang kawalan niya ay hindi lang basta lungkot, ito ay isang pangungulila na siya lang ang makakagamot.

 

"𝘐𝘬𝘢𝘸 𝘯𝘨𝘢," bulong ng aking isip habang dahan-dahang lumilitaw sa aking alaala ang lahat.

 

Biglang nagbalik sa akin ang nakaraan—ang mga lumang panahon kung saan sabay naming pinagmamasdan ang paglubog ng araw sa mga dalampasigang natabunan na ng sibilisasyon.

 

Naalala ko kung paano kami ipinagkait ng tadhana noong unang buhay namin, ang mga digmaan, ang mga pader ng lipunan, at ang mga pagkakataong pinaghiwalay kami ng magkabilang panig.

 

Ngunit ang pinakamasakit sa lahat ay ang alaala ng kaniyang kamatayan—noong huling beses ko siyang hawak sa ilalim ng malamig na ulan. Nanginginig ang aking mga kamay habang pilit kong pinapahid ang dugong humahalo sa kaniyang mga luha.

 

𝘏𝘢𝘩𝘢𝘯𝘢𝘱𝘪𝘯 𝘮𝘰 𝘣𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘶𝘭𝘪𝘵?” mahinang bulong niya bago tuluyang pumikit ang kaniyang mga mata.

 

At doon, sa gitna ng hagulhol at nawawasak na mundo, hinalikan ko ang kaniyang kamay at nangako...

 

"𝘏𝘢𝘩𝘢𝘯𝘢𝘱𝘪𝘯 𝘬𝘪𝘵𝘢 𝘴𝘢 𝘣𝘢𝘸𝘢𝘵 𝘣𝘶𝘩𝘢𝘺𝘩𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘢 𝘮𝘶𝘭𝘪 𝘵𝘢𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘵𝘢𝘨𝘱𝘰."

 

Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya sa gitna ng maraming tao, dala ang lahat ng lungkot, pananabik, at pagmamahal na naipon ko sa napakahabang paghihintay. Huminto rin siya, natulala, at bakas sa kaniyang mga mata ang unti-unting pagbabalik ng parehong mga alaala.

 

Paglapit ko sa kaniya, ngumiti siya nang bahagya habang may luhang nagniningning sa kaniyang mga mata, at dahan-dahang nagsalita...

 

"𝘈𝘬𝘰 𝘪𝘵𝘰."


No comments:

Post a Comment