Inilathala ni: Mardin Rheyziel Nungay
Petsang Inilathala: Agosto 24, 2026
Oras na Inilathala: 1:07 PM
Kategorya: Prosa
Paksa: Likod ng Simbahan
"Bakit po puno ng dugo ang inyong mga kamay?"
Tanong ng isang bata sa pastor na paalis ng simbahan. Hindi sumagot ang pastor, dahil sa mata ng bata, patuloy na tumutulo ang dugo ng mga taong nagkasala sa kaniyang mga kamay.
At sa likod ng simbahang iyon ay nagkalat ang mga tuyong duguang kamay, ngunit malaya pa ring naglilibot ang mga nagmamay-ari ng bisig nito. Nagdarasal nang taimtim ngunit patuloy pa ring dumadaloy ang dugo mula sa kanilang mga braso na ibinubunyag ang mantsa ng kanilang mga kasalanan.
Ang mga dugong ito ay umaagos hanggang sa kanilang mga yapak; gayon pa man, walang sinuman ang tumitingin sa ibaba—sila ay nananatiling nasa taas nakatunganga, kung saan hindi nila nakikita ang kanilang mga makasalanang pagkakamali. Ngunit nakikita ng mga maliliit na bata ang mga yapak na ito, subalit hindi binibigyang-pinapansin ng nagkasala nito.
Nagtaka ang paslit sa kamangmangan ng matanda, dahil sa mata ng mga bata, ang bakuran ng simbahan ay nababalot pa rin ng pulang bahid ng marka. Ngunit sa mga mata ng may gulang, malinis pa rin ang itinakda.
Nakakatawa, hindi ba? Ang simbahan na bahay ng kapatawaran. At sa likod nito, bahay ng mga dahilan at kasalanan.
"Isang beses lang naman."
"Hindi naman masasaktan ang iba."
"Patatawarin din naman ako."
Ang mga dahilang iyan ba ay makapapawi ng mga yapak at may bahid na iniiwan nila? Wala ba silang hiya sa mga magkukuskos sa kanilang mga duguang kamay?
Sa lugar kung saan bulag ang simbahan, nagagawa ng tao ang kahit anumang kasalanan. Maaari silang ngumiti nang may inosenteng mukha, ngunit ang mga yapak na kanilang iniiwan ay mananatiling lubha.
Walang nakakakita sa mga madugong yapak na iyon, maliban sa mga kabataan na hindi napapansin kung saan patungo ang mga bakas—sa lugar kung saan itim ang basbas.

No comments:
Post a Comment