Inilathala ni: Beatrice Isabel Miole
Petsang Inilathala: Agosto 27, 2026
Oras na Inilathala: 7:00 AM
Kategorya: Tula
Tema: Ang pagiging bulag ng kapangyarihan sa realidad.
Hindi ko hihilinging angkinin mo ang aking pangalan,
ni hindi ko rin nanaising umupo sa luklukang iyong kinagisnan.
Ngunit kung sa loob lamang ng isang araw
ay maisuot mo ang sinelas kong manipis na ang talampakan,
marahil hindi ko na kailangan pang magpaliwanag.
Tahakin mo ang umagang mas maaga pa sa liwanag.
Damhin mo ang baryang paulit-ulit kong binibilang,
na sa bawat bilang ay tila laging may kulang.
Makipagsiksikan ka sa jeep na wala nang puwang para sa isa pa.
Habang ang usok ay sumasakal sa bawat paghinga.
Pag-uwi mo, maupo ka sa hapag na sanay sa kakarampot.
Masdan mo kung paano ang isang pinggang kanin
ay natutong dumami sa gitna ng kapos at gutom.
Pakinggan mo ang katahimikang bumabalot sa bawat hapunan,
mga salitang hindi kailanman nababanggit ng sino man.
At kung sakaling sumakit na ang iyong mga paa
at ang bawat hakbang ay tila bumibigat,
huwag mo munang kalimutan ang bigat na iyong tinahak.
Sapagkat hindi ang pagod ang nais kong iyong maunawaan,
kundi ang pangambang kasabay ng bawat hakbang.
At kapag dumating ang araw na isasauli mo na sa akin ang aking sinelas,
wala na akong hihilingin pa.
Dalhin mo lamang ang alikabok na naiwan sa iyong mga yapak.
Nang sa susunod na magsalita ka tungkol sa mga tulad ko,
maalala mong minsan kang naglakad bilang ako.

No comments:
Post a Comment