Inilathala ni: Julianne Faula Lugod
Petsang Inilathala: Agosto 17, 2026
Oras na Inilathala: 7:11 AM
Isang magnitud 7.7 na lindol ang yumanig sa karagatan malapit sa Flores Island, silangang Indonesia, nitong Sabado, Agosto 15, 2026, na nagdulot ng malawakang pinsala at paglikas ng libo-libong residente.
Ayon sa mga awtoridad, umabot na sa hindi bababa sa 47 ang bilang ng mga nasawi at 50 ang nasugatan sa insidente.
Tumama ang mababaw na lindol sa hilagang bahagi ng baybayin ng Flores, humigit-kumulang 68 kilometro hilagang-kanluran ng Ende. Sinundan ito ng ilang malalakas na aftershock, kabilang ang magnitude 6.1 na pagyanig.
Naglabas ang Meteorology, Climatology, and Geophysics Agency (BMKG) ng Indonesia ng tsunami warning matapos matukoy ang posibilidad ng tsunami. Dahil dito, maraming residente ang agad na lumikas patungo sa mas mataas na lugar.
Nakita rin ng mga residente ang pag-atras ng tubig-dagat matapos ang lindol, na maaaring hudyat ng paparating na tsunami. Kalaunan, inalis ng mga awtoridad ang tsunami warning habang patuloy nilang minomonitor ang lebel ng dagat.
Nagdulot ang malakas na pagyanig ng pinsala sa ilang gusali at imprastraktura. Mayroon ding mga landslide na humarang sa ilang kalsada, na nagpahirap sa pagresponde at pagsasagawa ng rescue operations.
Patuloy ang search and rescue operations sa mga apektadong lugar habang tinataya ng mga awtoridad ang lawak ng pinsala at hinahanap ang mga posibleng natabunan ng mga guho. Patuloy ding minomonitor ang sitwasyon dahil sa mga aftershock at posibilidad na madagdagan pa ang bilang ng mga biktima.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Dehghanpisheh, B. (2026, August 15). Magnitude-7.7 quake hits off coast of Indonesia, killing at least 47. NBC NEWS. https://share.google/AdxEf2AU3l6xzb5Oh
[2] Sagita, D., & Welianto, A. (2026, August 15). Powerful quake off Indonesia kills 20, sparks mass evacuations. Philstar.com.
https://share.google/mf0BxnJ16h1InvUhu
[3] Welianto, A., & Cahya, G. (2026, August 15). Strong 7.7-magnitude quake strikes off Indonesia.
[4] ABS-CBN News. https://share.google/ONlCUcwVVtp7XWrhC

No comments:
Post a Comment