Thursday, August 20, 2026

𝗕𝗔𝗟𝗜𝗧𝗔𝗡𝗚 𝗔𝗚𝗛𝗔𝗠: "Pamamaga sa bituka ng sanggol, posibleng madiskubre gamit ang liwanag" ni Keira Loraine Lagarde

Disenyo ni: Dhenmar Lusanta

Inilathala ni: Beatrice Isabel Miole

Petsang Inilathala: Agosto 20, 2026

Oras na Inilathala: 3:32 PM


Matagumpay na nasubukan ng mga dalubhasa mula sa Lurie Children’s Hospital of Chicago at Northwestern University ang isang teknolohiya gamit ang liwanag na maagang nakatutukoy ng Necrotizing Enterocolitis (NEC) o delikadong pamamaga ng bituka sa mga premature na sanggol nitong 2026.

Ang Broadband Optical Spectroscopy o BOS ay isang handheld na aparato na inimbestigahan nina Dr. Seth Goldstein at Dr. Vadim Backman na gumagamit ng infrared at visible light upang matukoy ang NEC sa mga sanggol na kulang sa buwan.

Ang NEC ay isang delikadong kondisyon kung saan nagkakaroon ng pamamaga at pagkasira sa bituka ng sanggol dahil sa nabawasang pagdaloy ng dugo at oxygen.

Dahil manipis at tila transparent pa ang balat ng mga premature na sanggol, nasusuri ng aparato ang kulay at daloy ng dugo sa bituka nang hindi na kailangan operahan ang pasyente. 

"If I can detect that color change through the abdominal wall without opening it, then I (can) screen for early changes," pahayag ni Dr. Goldstein sa isang panayam kay Brendan Pierson.

Sa isang paunang eksperimento sa daga na isinagawa nina Dr. Goldstein sa Johns Hopkins University School of Medicine noong 2018, napatunayan na gumagana ang teknolohiya nang may 100% katumpakan sa pagsusuri.

Matapos ang tagumpay sa laboratoryo, sinubukan ang teknolohiya sa 96 na premature na sanggol (mga naisilang nang hindi lalagpas sa 36 na linggo) na walang depekto sa tiyan o sakit sa puso mula kapanganakan. 

Sa naturang pag-aaral, matagumpay na natuklasan ng aparato ang sampung sanggol na may malalang kaso ng NEC, at apat naman na may biglaang pagkakabutas ng bituka at iba pang kondisyon sa tiyan.

Matapos ang mga isinagawang eksperimento at pag-aaral, napagtanto na ang BOS ay ligtas at non-invasive na ibig-sabihin ay hindi nangangailangan ng opera upang makapagsuri.

Gayunpaman, nagpaalala ang ilang eksperto na kailangan pa ng mas malawak na pagsusuri bago ito tuluyang gamitin sa lahat ng ospital. Ayon kay Dr. Ravi Patel, Director ng Neonatal Clinical Research sa Emory University sa Atlanta, "Too few cases to know how it would perform in the real world."

Kung mapapatunayan ang pagiging epektibo nito sa mas malawak na pagsusuri sa hinaharap, maaari itong maging isa sa mga pinakamahalagang tuklas sa larangan ng neonatal medicine.


MGA SANGGUNIAN:

Dodd, A. C., Lehane, A. J., Lee, A., Hurlock, A., Su, Y., Ilahi, I., Lautz, T. B., Backman, V., & Goldstein, S. D. (2026). First-in-human pilot study of broadband optical spectroscopy (BOS) as noninvasive surveillance for necrotizing enterocolitis (NEC). Journal of Pediatric Surgery, 61(5), 162978. https://doi.org/10.1016/j.jpedsurg.2026.162978


Ginglen, J. G., & Butki, N. (2023, August 8). Necrotizing enterocolitis. StatPearls Publishing; National Center for Biotechnology Information. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK513357/


Goldstein, S. D., Beaulieu, R. J., Niño, D. F., Chun, Y., Banerjee, A., Sodhi, C. P., & Hackam, D. J. (2018). Early detection of necrotizing enterocolitis using broadband optical spectroscopy. Journal of Pediatric Surgery, 53(6), 1192–1196. https://doi.org/10.1016/j.jpedsurg.2018.02.083


Pierson, B. (2026, August 15). A light-based scan could detect deadly bowel disease in preterm babies. Science News. https://www.sciencenews.org/article/light-scan-deadly-bowel-disease-babies


No comments:

Post a Comment