Disenyo ni: Monique Baban
Inilathala ni: Julianne Faula Lugod
Petsang Inilathala: Agosto 24, 2026
Oras na Inilathala: 11:07 AM
Nasawi ang dalawang estudyante matapos ang pamamaril ng isang Grade 8 student sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) sa Zamboanga City noong Martes, Agosto 18.
Kinumpirma ng AdZU ang pagkamatay ng dalawang indibidwal, kabilang ang isang Grade 10 student at ang itinuturong suspek na nasawi matapos ang insidente sa Junior High School campus.
Ayon sa mga awtoridad, dalawang baril ang dinala ng suspek sa paaralan, kabilang ang isang karaniwang pistola at isa pang baril na may conversion upang magmukhang assault rifle.
Natagpuan din ng mga pulis ang bag na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa pagdadala ng mga baril, kasama ang isang magazine ng bala.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano nakapasok ang suspek sa paaralan dala ang mga baril, kabilang ang posibilidad na nagkaroon ng pagkukulang sa pag-iingat ng isang baril na pagmamay-ari ng isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC).
Pansamantalang inalis sa puwesto ang nasabing opisyal habang iniimbestigahan ang pagmamay-ari at pangangalaga sa baril na iniulat na nagmula sa kaniyang kagamitan.
Samantala, sinusuri ng mga imbestigador ang gaming at messaging history ng suspek upang matukoy ang mga posibleng dahilan sa likod ng insidente, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.
Iniulat din ng mga awtoridad na nag-livestream ang suspek habang isinasagawa ang insidente, habang patuloy na sinusuri ang mga kuha mula sa closed-circuit television (CCTV) at mga pahayag ng mga saksi.
Agad na inilikas ang mga estudyante matapos ang pamamaril, habang sinuspinde ng AdZU ang klase sa lahat ng antas at hiniling sa mga magulang at tagapag-alaga na sundin ang mga itinakdang proseso para sa ligtas na pag-uwi ng kanilang mga anak.
Nakipag-ugnayan ang AdZU sa mga awtoridad at nagtatag ng mga opisyal na daluyan ng komunikasyon upang magbigay ng beripikadong impormasyon sa publiko.
Iniutos naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon sa insidente at hinikayat ang pagpapatibay ng mga hakbang para sa kaligtasan ng mga paaralan.
Habang ang Department of Education (DepEd) ay nagpaabot ng psychological first aid para sa mga apektadong mag-aaral at kawani ng paaralan upang matulungan silang harapin ang epekto ng insidente.
Hinimok ni Remulla ang publiko na unahin ang kaligtasan ng mga bata at pinaalalahanan ang mga may-ari ng baril na panatilihin ang wastong pangangalaga at responsableng paggamit ng kanilang mga armas.
Patuloy pa rin na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang buong pangyayari at iba pang salik na maaaring makatulong sa pagtukoy sa mga dahilan ng insidente.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Agonoy, L. D. (2026, August 18). Ateneo de Zamboanga confirms 2 dead in campus shooting. Inquirer.net. https://share.google/byzgeJ75kvF9mNSrp
[2] Mangaluz, J. (2026, August 18). DILG investigates shooter's gaming, chat history in Ateneo de Zamboanga shooting. GMA News. https://share.google/bMEtLVq5G2rLRBWJg
[3] Gomez, J. (2026, August 18). Student kills schoolmate and himself in livestreamed Philippine school attack, official says. AP NEWS. https://share.google/851Xl1NCztWy4TEAK
[4] Guinto, J. (2026, August 18). Student killed in Philippines Catholic school shooting. BBC. https://share.google/4WdL7I2IVutvPTEOW
[5] Patinio, F. (2026, August 18). BOC relieves father of Ateneo de Zamboanga shooting suspect. Philippine News Agency. https://share.google/mj8oN4CThgFfx6mmL
[6] Sajid, I. (2026, August 18). 4 killed, 9 injured in shooting at high school in southern Philippines. Anadolu AjansΔ±. https://share.google/II55VX0TXkSyq99fb

No comments:
Post a Comment