Monday, August 10, 2026

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Sandali lang” ni Chrissa Jean A. Salvador

Disenyo ni: Pryce Yunique Cabezas

Inilathala ni: Jannah Pauline Beldad

Petsang Inilathala: Agosto 10, 2026

Oras na Inilathala: 10:51 AM


Kategorya: Prosa

Tema: Ang kahalagahan ng pagpapahinga at paghinto sandali sa gitna ng abalang buhay


Sa bilis ng pag-ikot ng mundo, tila pati ang ating paghinga ay nakikipag-unahan sa oras.

Gigising tayo sa umaga na nagmamadali, kakain nang mabilis, at laging may hinahabol na mga gawain. Tila ba tayo mga sasakyan sa malawak na kalsada na walang ibang iniisip kundi ang makarating agad sa pupuntahan. Ngunit sa gitna ng mga gulo at ingay, kailan mo huling pinakinggan ang tibok ng puso mo nang walang iniisip na iba? Dahil bihira na nating masabi sa sarili natin ang salitang...

"Sandali lang."

Ang daling mawala sa agos ng buhay, lalo na kapag marami tayong iniisip. Nariyan ang mga grado sa paaralan, ang mga dapat asikasuhin sa bahay, pati ang bigat ng mga taong malaki ang tingin sa’yo. Pakiramdam natin ay bawal tayong mapagod o huminto dahil mapag-iiwanan tayo. Pero ang totoo, hindi naman karera ang buhay na kailangang laging may nauuna.

Masarap din sa pakiramdam ang huminto kahit isang minuto lang. Subukan mong tumingin sa langit, makinig sa paborito mong kanta, o damhin lang ang hangin sa iyong mukha. Doon mo maiisip na hindi naman kailangang laging mabilis ang lahat. Ang pahinga ay hindi tanda ng pagsuko, kundi paraan para mag-ipon muli ng lakas.

Madalas, sa ating pagmamadali, hindi na natin napapansin ang mga maliliit na bagay na nagpapasaya sa atin. Hindi na natin mayakap nang matagal ang ating mga magulang, o hindi na natin matitigan ang ganda ng paglubog ng araw. Masyado tayong nakatutok sa kung ano ang susunod na mangyayari, kaya lumilipas ang oras nang hindi natin namamalayan.

Kaya kung pakiramdam mo ngayon ay pagod ka na at parang sasabog na ang iyong isip, ayos lang na magpahinga. Pumikit ka muna, uminom ng mainit na tsaa o tubig, at pakiramdaman ang pagbagsak ng mga patak ng ulan sa bubong. Sabihin mo sa mundo na mag-abang muna ito dahil kailangan mo ng oras para sa sarili mo. Ang pagpili sa sariling kapayapaan ay hindi kailanman magiging isang kasalanan.

Ipaalala mo sa iyong sarili na ang buhay ay hindi sinusukat sa bilis ng iyong pagtakbo, kundi sa lalim ng iyong paglasap sa bawat sandali. Huwag mong hayaan na mawala ang sarili mo sa paghahabol sa bukas. Kaya bago muling makipagsabayan sa takbo ng mundo, huminga ka muna.

No comments:

Post a Comment