Disenyo ni: Ana Arlene Almi
Inilathala ni: Jannah Pauline Beldad
Petsang Inilathala: Agosto 8, 2026
Oras na Inilathala: 9:04 PM
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pag-iwan ng limang kabaong sa magkakaibang lugar sa Metro Manila noong madaling araw ng Biyernes, Agosto 7.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), natagpuan ang mga kabaong sa Sta. Cruz sa Maynila, Brgy. 54 sa Caloocan City, Brgy. South Triangle at Brgy. Sta. Teresita sa Quezon City, at Gil Puyat sa Makati City.
Sinabi ng NCRPO at ni Lilibeth Bancairen, Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng Barangay South Triangle, na sadyang iniwan ang mga kabaong ng mga nakamaskarang suspek na sakay ng puting van na walang plaka bandang alas-2 hanggang alas-4 ng madaling araw.
Sa Boy Scout Circle sa kahabaan ng Timog Avenue sa Quezon City, natagpuan ang isa sa mga kabaong na may mga larawan ng dalawang indibidwal bandang alas-3 ng madaling araw.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, dalawang lalaki at isang babae ang nakitang nag-iwan ng kabaong bago umalis kaagad sa lugar.
Kaagad namang nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Philippine National Police Explosive Ordnance Disposal (PNP-EOD) o bomb squad sa mga natagpuang kabaong upang matiyak na walang banta sa kaligtasan ng publiko.
Nadiskubre ng mga awtoridad na naglalaman ang mga kabaong ng mga mensaheng laban sa Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) at Tsina, na ngayon ay bahagi ng kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, iniutos ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang motibo at mapanagot ang mga nasa likod ng magkakaugnay na insidente.
MGA SANGGUNIAN:
Rita, J. (2026, August 7). LOOK: Caskets found in different parts of Metro Manila. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/metro/997662/look-caskets-found-in-different-parts-of-me
Sanchez, E. (2026, August 7). Mga kabaong natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila | ABS-CBN News. ABS-CBN. https://www.abs-cbn.com/news/nation/2026/8/7/mga-kabaong-natagpuan-sa-iba-t-ibang-bahagi-ng-metro-m…

No comments:
Post a Comment