Disenyo ni: Dhenmar Lusanta
Inilathala ni: Julianne Faula Lugod
Petsang Inilathala: Agosto 24, 2026
Oras na Inilathala: 5:23 PM
Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na babantayan ng Senado ang Pax Silica initiative upang matiyak ang pangmatagalang benepisyong pang-ekonomiya nito nang hindi isinasakripisyo ang kalikasan, soberanya, at karapatan ng mga lokal na komunidad.
Ayon kay Gatchalian, maaaring lumikha ang inisyatibo ng 200,000 direktang trabaho at hanggang 800,000 oportunidad sa trabaho habang isinasagawa ang konstruksyon.
Layunin nitong ilipat ang bansa mula sa low-value semiconductor assembly at entry-level Business Process Outsourcing (BPO) tungo sa high-value technology sector.
Tiniyak naman ng mga kinatawan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na sasagutin ng mga dayuhang investor ang pangangailangan ng proyekto sa imprastraktura, tubig, at kuryente nang hindi umaasa sa kapital ng pamahalaan o nagpapabigat sa kasalukuyang power grid.
Inaasahang magsisimula ang pangunahing infrastructure development sa huling bahagi ng 2027, habang inaasahang papasok ang unang manufacturing locator sa 2028.
Isasagawa naman ang mineral processing operations sa magkakahiwalay na regional nodes sa labas ng New Clark City upang maiayon ang mga pasilidad sa mga lokasyon ng pagmimina.
Pinangunahan ni Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change Chairman Raffy Tulfo ang pagsusuri sa proyekto, partikular sa usapin ng sovereign land ownership at toxic processing waste.
Iginiit ni Tulfo ang agarang pagpasa ng National Land Use Act upang magkaroon ng malinaw na balangkas sa paggamit ng lupa, maprotektahan ang kapaligiran, at maiwasan ang hindi kontroladong development sa mga vulnerable sector.
Hiniling naman ni Sen. Bam Aquino ang tumpak na census ng mga pamilyang maaaring maapektuhan ng proyekto matapos mapansin ang pagkakaiba sa opisyal na bilang at mga pahayag ng komunidad tungkol sa posibleng displacement.
Iginiit din ni Aquino na dapat magkaroon ng binding guarantees mula sa BCDA na walang demolition na isasagawa nang walang naunang kasunduan sa mga maaapektuhang komunidad.
Samantala, kinilala ni Sen. Francis Pangilinan ang potensiyal ng Pax Silica na makatulong sa bansa na lumipat mula sa pag-export ng hilaw na mineral tungo sa advanced manufacturing at artificial intelligence (AI) industries.
Binigyang-diin ni Pangilinan na kailangang matiyak ang katuparan ng mga pangako sa technology transfer at mga safeguard laban sa polusyon, displacement, at iba pang epekto sa kapaligiran.
Patuloy na susuriin ng Senado ang proyekto upang matiyak na maisasakatuparan ang mga pangakong pang-ekonomiya habang napoprotektahan ang kapaligiran, komunidad, at karapatan ng mga maaapektuhan.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Fernandez, B. (2026, August 17). Gatchalian vows ‘strict Senate oversight’ over Pax Silica. BusinessMirror. https://share.google/T0ZGuDpAE25Ef5deC
[2] Gatchalian, W. (2026, August 16). Gatchalian: Senate to maintain strict oversight over Pax Silica initiative. Win Gatchalian. https://share.google/L6EFy5AotVJkTPK51
[3] Superable, R. (2026, August 16). Senate to keep close watch on Pax Silica. Manila Standard. https://share.google/jhTyZdKzC2evV8Dck
[4] TVN. (2026, August 16). Gatchalian: Senate to keep strict watch on Pax Silica. The Voice Newsweekly. https://share.google/50FEGQBdO2EaGz1SS
[5] Valente, C. S. (2026, August 17). Senate to maintain strict oversight over Pax Silica initiative. Manila Times. https://share.google/dphkic1glbNT10wkk

No comments:
Post a Comment