“Totoo po ba na kapag humiling ka sa wishing well ay matutupad?” tanong ko kay nanay dahil sa kuryosidad.
Ngumiti muna ito ng matamis bago tuluyang sumagot.
“Oo pero kailangan mo rin maghulog ng kahit magkanong barya kasabay ng hiling mo.”
Tumango-tango ako rito bago muling sumilip sa balon. Malalim at sobrang dilim ng loob nito, paano kaya natutupad ang mga hiling dito? May kabayaran kaya ang bawat hiling?
—
Naglalakad na ako pauwi nang may nakita akong mga kaedaran ko na may mga hawak na bago at magagandang damit. Mayroon din silang mga sapatos na sa tingin ko ay katerno nito. Masasaya at nagtatawanan sila habang ibinibida ang mga kagamitan nila, dahil doon ay hindi ko maiwasang mainggit.
Mahirap lang kami at sapat lang ang kinikita ni nanay para sa pangkain namin. Bata palang ako ay iniwan na kami ng aking ama at sumama sa ibang babae kaya sobrang hirap ng buhay namin.
Muli ko silang tinignan bago patuloy na naglakad para umuwi na.
Habang naglalakad ako ay hindi ko pa rin maiwasang mapa-isip, paano kaya kung may pera rin kami? Makabibili rin kaya ako ng ganon?
Dahil sa labis na pag-iisip ay hindi ko napansin na nasa harap ko na pala ang balon kaya tumama ako rito.
“Aray,” inda ko.
Naiinis na tinadyakan ko ang gilid ng balon ngunit agad din akong napatigil ng biglang pumasok sa isip ko ang sinabi ni mama noong bata ako na kapag humiling ka sa balon ay magkakatotoo.
'Wala naman sigurong masama kung susubukan ko hindi ba?'
Napatango-tango ako sa naisip ko at nakangiting kinuha ang natitirang barya sa aking bulsa.
Ipinikit ko ang akin mga mata at itinapat ang barya sa aking bibig.
“Sana bukas pagkagising ko ay mayaman na ako,” bulong ko dito atsaka inihagis ang barya sa malalim na balon. Agad ko itong sinilip ngunit hindi ko na ito matanaw.
Nakangiti at nagmamadali akong umuwi dahil nasasabik na ako sa mangyayari bukas.
—
Kinabukasan ay maaga akong nagising dahil sa ingay ng mga manok sa labas. Inikot ko ang aking paningin sa silid ngunit wala pa ring nagbabago.
“Hays,`di naman pala totoo `yon,” malungkot na saad ko at saka nag-gayak para sa aking pagpasok.
Pagkalabas ko ng aking pinto ay hindi ko nakita ang aking ina, bagay na ipinagtataka ko dahil madalas pagkagising ko ay nakikita ko siyang nag-aayos ng hapag.
Tumakbo ako palabas ngunit hindi ko pa rin siya makita.
Agad akong napalingon ng may bumusina sa akin na sasakyan. Nagtataka akong tumingin ng makita ko ang isang napakayaman na babae na bumaba rito.
“Magandang umaga, Kristin. Kami na ang magiging tagapag-alaga mo simula ngayon. Ako nga pala si Florentina, maaari mo akong tawaging mama.” Nakangiti na saad nito at pagpapakila nang makalapit siya sa akin. Naguluhan ako sa sinabi niya, mama ko na siya?
Natauhan na lamang ako nang hinatak na niya ako papasok sa sasakyan.
“Teka po, nasaan po si nanay? Saan niyo po siya dinala?” naguguluhang tanong ko rito noong pagbuksan niya ako ng pinto.
“Nanay? Anong sinasabi mo? Matagal ka nang ulila.” Napatigil ako sa narinig ko dahilan para mahatak nila ako papasok sa sasakyan.
Natulala ako habang nakatingin sa bintana at umagos ang luha.
'Ulila? Pero kasama ko pa siya kahapon. Nasaan si nanay? Bakit? Paano?'
Napatigil ako sa pag-iisip nang madaanan namin ang balon. Laking gulat ko ng makita ko si nanay na nakatayo sa tabi mismo nito at hawak ang lubid.
“Itigil niyo po, ayun po si nanay! Pakitigil po! Bababa po ako parang awa niyo na!” pakikiusap ko sa drayber at sa babaeng katabi ko ngunit hindi ito tumigil.
“Kristin, matagal nang wala ang mama mo.”
“Hindi po, kasama ko pa siya kahapon andun po siya sa balon pakiusap po pababain niyo na ako gusto ko makasama ang nanay ko.” Agad akong lumuhod sa upuan at sumilip sa bintana sa likod.
Iyak lang ako nang iyak at pilit na nakikiusap ngunit tila wala silang naririnig.
Nakangiti siyang nakatingin sakin at ikinakaway ang kamay, bakas sa kanyang mukha ang kasiyahan. Ngumiti siya nang pagkatamis-tamis at walang alinlangan na tumalon sa balon.
“Nay!” sigaw ko rito ngunit huli na ang lahat.
Napahagulol ako ng malakas at napaupo sa upuan ko. Hinawakan ng babae na katabi ko ang kamay ko at marahan na pinisil ito.
Bakit? Bakit ganoon? Ayon ba ang kapalit?
Ang buhay ba ng nanay ko ang kabayaran sa hiling ko?
No comments:
Post a Comment