Friday, February 18, 2022

FEATURE: "Alert Level 1 bilang new normal?" ni Ayesha Mae G. Monreal

Sa lumipas na tatlong taon na ang ating bansa ay tila walang kawala sa salitang “quarantine," paunti-unti na nga ba nating naaasam ang new normal na ating pinaka-hinihiling?


Ikaw ba ay nasa edad 18 pababa, may comorbidities o senior na at nami-miss na ang outside world? Estudyante ka bang umay na sa online class at gusto na ang face-to-face classes? Manggagawa ka bang gusto na bumalik sa opisina para doon mag-trabaho? Kating-kati ka na bang gumala at kumain sa labas ng walang masyadong paghihigpit? Posibleng mangyari ang iyong inaasam sa new normal na ating inaasahan. 


Matapos maisa-ilalim sa Alert Level 2 ang karamihan sa mga lugar sa bansa partikular ang Maynila nito lang Pebrero 16 hanggang 28, isinaad ng mga kinauukulan na posibleng bumaba sa Alert Level 1 ang bansa kung patuloy din bababa ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Ang Alert Level 1 na posibleng mangyari ay tinatawag ding new normal.


Ang malawakang pagbabago ay inaasahan sapagkat mas higit na luluwag ang mga palatuntunan sa ilalim ng panuntunang ito. Maaari nang lumabas ang mga menor de edad at senior citizen na noon ay pinaghihigpitang manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan. Madaragdagan ang mga paaralang magbubukas para sa limited face-to-face class. Ang mga establisyimento ay magkakaroon ng sapat na oras mag-opera at ang mga manggagawang Pilipino ay hindi na magtitiis sa work from home set up dahil papayagan na ang pagtatrabaho on-site. 


Kung iisipin natin, nakakatuwang malaman kung ang new normal na ito ay ating maaasam, matapos ang tatlong taong pagka-bilanggo sa kani-kaniya nating mga tahanan. Ngunit hindi tayo maaaring mag-pabaya sa ating mga sarili dahil ang virus ay hindi pa nawawala sa ating bansa. Sa kabila ng mga pagbabagong magaganap sa posibleng pagbaba sa Alert Level 1 ay ang patuloy nating pag-sunod sa mga health protocol na ipinatupad.


Published by: Lloyd Agbulos 

Date published: February 18, 2022

Time published: 5:14 PM

No comments:

Post a Comment