Published by: Heather Pasicolan
Date published: April 26, 2022
Time published: 10:25am
Napatigil ako ng saglit sa magandang tanawin ng pinagsamang dagat at palubog na araw. Sa kabilang dako naman ay mga larawan ng naka-bikining tao na hindi ko kilala ngunit nasa aking harapan at sa kabilang banda ay ang boomerang na video ng estranghero na sa facebook ko lang naging kaibigan. Masaya ang mag-bakasyon kasama ang pamilya at mga kaibigan lalo na ngayong tag-init, matic talagang beach ang una sa listahan. Pero mas masaya siguro kung nasa totoong beach ako at hindi lang nakatanaw sa mga facebook stories na lumilitaw sa newsfeed ko.
Sa usong quotations tuwing summer na “Beat the summer heat," ay talaga namang hindi magpapatalo ang mga Pilipino lalo pa at kilala ang ating bansa sa mga naggagandahang pasyalan, partikular na ang mga karagatan. Sa muling pagbubukas ng mga beach sa Pilipinas ay dinagsa agad ito ng ating mga kababayan dahil na rin sa pagkasabik magmula noong mag-lockdown sa bansa. Kanya-kanyang posts at videos ang bubusog sa iyo sa pagi-scroll mo sa kahit saang social media platforms, mapa-facebook man o Instagram at twitter. Nakakaaliw makakita ng mga taong nag-eenjoy sa kanilang bakasyon patunay na lamang na unti-unti na ang pagbabalik natin sa normal simula ng magka-pandemic.
Sa kabila ng unti-unting pagbabalik sa normal ay may iilan pa rin ang nababahala sa kumakalat pa ring virus kung kaya’t binubusog na lamang ang mga mata sa nakikita sa social media, ika nga nila “virtual bakasyon” na lamang muna.
Dahilan naman ng iba ay kapos sa budget na nag-uumpisa pa lang muna matapos gipitin ng pandemya, kaya’t ang bakasyon ay isasantabi na muna. Nakapag-bakasyon man o hindi ay dapat pa rin nating isaalang-alang ang kalusugan. Ang pandemya ng sakit na tumapos sa buhay ng marami nating kababayan ay nasa paligid pa rin kaya’t importante pa rin ang pag-iingat.
Photo source: https://images.app.goo.gl/P9juzePWztyCkuHv8
No comments:
Post a Comment