Tuesday, December 20, 2022

π—˜π——π—œπ—§π—’π—₯π—¬π—”π—Ÿ: “Sa Manlulupig: Trabahador sa Lupang Hinirang” by Ace Balangitan

 



Published by: Aliyah Margareth Imbat

Date Published: December 20, 2022

Time Published: 2:22 PM

Patuloy ang pakikibaka ng masang anakpawis laban sa mga malupit na sistema gaya ng kontraktuwalisasyon at kulangot na pasahod; mga sistemang sumusugat sa mga manggagawa at dumidila sa talampakan ng mga berdugong kapitalista.
Habang ang bitak na dugo ay pumapatak, ang mga gahamang kapitalista ay humahalakhak. Samantala, tila naging bulag at bingi sa iyak at hinaing ang estado—hindi kita ang alumana sa hibik ng masang anakpawis.
Ang mga umaagos na salita sa 5 buwang kontrata ay ang isa sa mga suliranin na kinakaharap at nagpapadugo sa mga manggagawa.
Ayon sa umiiral na batas, ang isang manggagawa ay magiging regular na trabahador lamang pagtapos nang 6 na buwan. Ito ay nagbigay daan sa mga mapagsamantalang kapitalista upang gamitin ang iskemang ‘endo’ o kontraktuwalisasyon kung saan tinataga ng mga maypagawa ang kontrata ng isang manggagawa sa loob nang 5 buwan upang mapigilan ang pagiging regular nito.
Ang endo ay ginagawa upang maiwasan ang pagbibigay nang benepisyo sa mga manggagawa.
Matapos ang paghihirap ng mga manggagawa, ang sukli ay kawalang-katiyakan kung sila ba ay may trabaho pa kinabukasan; kawalang-katiyakan kung sila ba ay may maipapakain pa sa pamilya dahil sa iskemang endo.
Hindi kontrata ang dapat winawakasan kung hindi ang mapang-aping sistema na bumubutas sa palad ng mga pobreng manggagawa.
Ano ang mapapala sa kakarampot na sahod? Sapat na nga ba ang kusing na inaani ng masang anakpawis kapalit ang kanilang laman at dugo?
Patuloy na binibigti ang mga manggagawa sa kanilang sariling lubid—ang sariling paghihirap ay pinapalitan nang hindi sapat at nakasasakal na sahod.
Bagamat ang mga ito ay estratehiya upang mapababa ang gastos sa produksyon, ang mga pamamaraang ito ay hindi makatao at ugat ng mga latigong hampas ng kahirapan. Ito ay kalupitan.
Sa isang kanayunan, gipit ang singit ng bulsa sa kakarampot na sahod; bulsa ay animong isang kuwebang nakatira ay alikabok at lupa; humahapding balat gawa ng tirik na araw; dura ng ulan na lumulunod sa taniman; tilaok ng manok ang kumakalampag sa piitan.
Ang kanayunan ay dito mismo.
Dapat bang makontento na lamang sa mapanirang mga sistema? Ang kailangan ay hindi mag kibit-balikat at maging bulag sa nasasaksihan. Kumilos. Ihakbang nang malalim ang mga paa at isigaw ang mga parirala at talinghaga. Baguhin ang mapang-aping sistema na patuloy ang pagwasiwas sa karapatan ng mga manggagawa.

No comments:

Post a Comment