Monday, August 21, 2023

𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠: “Literatura at Rebolusyon” ni Ace Balangitan

Published by: Faith Villaluna

Date Published: August 21, 2023

Time Published: 8:10 AM


Ang bakas na isinulat ng literatura sa mga pahina ng rebolusyon ay hindi kailanman mapupunit.


Ang literatura ay rebolusyonaryo. Ang bawat parirala ay may hinanakit, sa bawat taludtod ay may pait, ang bawat kataga ay may dalang galit. Kumakawala lagi ang literatura mula sa gapos ng mga naghaharing-uri. Sumisigaw. Nangangagat. Naninira.


Kuyom-kamaong nakikipagdigma ang panitikan laban sa mga nangangatal na pasista at diktador. Sa kalagitnaan ng palasak na pagdaluhong sa mga kritiko, bumoboses at dapat bumoses ang literatura. Reklamo at rebelyon ang sustansya ng mga salita.


Hanggang mayroong uhaw sa katarungan at pesteng umaaligid sa mga silid, manglalaban at tututol ang mga talata. Hindi magpapasindak sa mga binitay na kalayaan at karapatan. Pagkikibit-balikat ang kinamumuhian.


Sapagkat paano masisikmura ng isang manunulat ang hapding tinatamo ng lipunan? Paano tatalikuran ng panitikan ang harapang pagwasiwas sa kalagayan ng mga mamamayan? Ang kawalang-kinikilingan ay pagiging traydor. Ang kawalang-kinikilingan ay palaging kaaway ng mga inaapi. Ang kawalang-kinikilingan ay kontribusyon sa pangsisiil. Pagiging taksil ang pagkikibit-balikat.


Ang literatura ay kasangga ng anak-pawis sa laban. Ang literatura ay protesta laban sa kahirapan at patayan na sinimulan ng mga awtoritaryang lider. Kasama ang literatura sa laban ng mga manggagawa sa kulangot na pasahod. Kasama ang literatura sa welga ng masa sa lansangan.


Ang panitikan ay umiikot sa pagiging hindi kuntento sa lipunang ginagalawan. Hindi ito kuntento sa pagkitil ng buhay ng mga pobre, sa inhustisya, sa pag tadyak sa masa. Pero hindi ito namamalimos ng simpatya—kinukuha nito ang sustento na dapat ay para sa masa.


Ang literatura ay mapangahas, gaya ng mga iniwang salita ng Nobel Laureate for Literature na si Mario Vargas Llosa: “Warn them that literature is fire, that it means nonconformity and rebellion, that the raison d’être of a writer is protest, disagreement and criticism.”


Nanghahamon, nang-aamba at nagrerebelyon. Ito ang literatura at rebolusyon.

No comments:

Post a Comment