Monday, August 28, 2023

𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠: “Pagsulong sa Patuloy na Pagtuturo ng Asignaturang Mother Tongue” ni Michelle C. Saro


Published by: Rezy Jyn Veradio
Date Published: August 28, 2023
Time Published: 11:46 AM

Sa bagong lunsad na ‘Matatag Curriculum’ o ang revised K-10 program na sisimulan sa taong panuruan 2024-2025 ay ipinapatanggal dito ang asignaturang ‘Mother Tongue’ o ang native language sa lahat ng antas ng paaralan at gagamitin na lang ito bilang isang midyum ng pagtuturo. Makikita sa ating lipunan kung gaano kababa ang komprehensiya ng pagbabasa at kakayahan sa pag-unawa at pagkatuto ng ilang mamamayan sa ating bansa kung kaya't hindi nararapat na alisin lang ang asignaturang ito [1].

Ngayong buwan ng wika ay hindi kaaya-ayang tingnan kung tatanggalin ang ‘Mother Tongue’ bilang aralin ng mga mag-aaral dahil ito ay ang sarili nating wika at ang susi sa sabay-sabay na pag-unlad ng maraming ibang mahahalagang kasanayan tulad ng kritikal na pag-iisip at mga kasanayan sa pagbasa at pagsulat ng mga mag-aaral. Ito talaga ang bumubuo ng panlipunan, personal at kultural na pagkakakilanlan ng isang indibidwal. Para saan pa ba na ipinaglaban ang ating wika kung hindi naman ito ituturo sa susunod na mga henerasyon?

Sa iba’t ibang post sa social media ay makikitang ang iilan doon na mali ang paggamit ng ‘nang’ at ‘ng’, ‘raw’ at ‘daw’, ‘doon’ at ‘roon’ at iba pang mga salita na nag-uudyok ng pagkalito sa paggamit nito ay nagpapakita lamang na napakahalaga ng asignaturang ‘Mother Tongue’ sa ating edukasyon.

Bagamat sa panahon ngayon ay napaka-universal na ng wikang Ingles ay huwag natin hayaang malusaw ang nasyonalismo ng ating henerasyon sa pagpapaalis ng Mother Tongue. Bilang isang paggalang sa ama ng wika at pagpapahalaga ng ating bansa ay marapat lang na hindi ito tanggalin bilang asignatura na isang daan sa pagpapausbong at pagpapaunlad ng wikang Filipino [2].

Kung ang hangad naman ng lahat ay ang dekalidad na edukasyon ay dapat na panatilhin pa rin itong aralin ng mga mag-aaral dahil hindi ito ang problema kundi ay isa pa ito sa ating solusyon sa pagpapataas ng kalidad sa pag-aaral. Isa rin ito sa susi sa pagpapaunlad ng ating pambansang wika na magiging batayan sa magandang repleksyon ng pinamanang kultura at tradisyon kung kaya't huwag sana natin itong hayaang mawala. Atin itong ipaglaban para sa kasalukuyan ng ating edukasyon pati na rin sa bansang Pilipinas.

Mga Sanggunian:

[1] Lee, I. (2023, August 19). Pag-alis ng 'mother tongue' sa bagong curriculum, inalmahan. ABS-CBN News. https://news.abs-cbn.com/video/news/08/19/23/pag-alis-ng-mother-tongue-sa-bagong-curriculum-inalmahan

[2] Almendras, R. (2023, April 29). Pagtanggal sa mother tongue bilang asignatura, pinag-aaralan ng DepEd. The Lance. https://thelance.letran.edu.ph/Home/ReadMore/1802

No comments:

Post a Comment