Thursday, November 23, 2023

π—žπ—’π—Ÿπ—¨π— : “Pating, Peryodista, Panulat: Taglay na Katapangan” ni Abigail Job F. Alla



Dibuho ni Kenneth Marquez

Inilathala ni: Kassandra Aman

Petsang Inilathala: Nobyembre 23, 2023

Oras na Inilathala: 9:00 AM


Sa gitna ng isang matinding paglaban para sa malayang pahayagan, nariyan ang mga taong punong-puno ng katapangan at integridad; sila ay ang mga mamamahayag na walang sawang nagpapatuloy sa kanilang sinumpaang serbisyo. Katulad ng isang pating, matapang nilang hinaharap ang kahit ano pa man sa paligid.


Ang “The Spiracle” na pangalan ay salitang hango sa parte ng respiratoryo ng isang pating na kung saan ay ginagamit nila ito upang makahinga [1]. Sa madaling salita, kung wala ang spiracle, ang mga pating ay mahihirapan o sa kasukdulan sila ay hindi makakahinga ng tuluyan. Sumasalamin ito na ang “Spiracle” ay isang mahalagang bahagi sa buhay ng isang pating.


Ang mga pating ay kilala bilang matatapang at walang kinakatakutan dahil sa kanilang taglay na laki at anyo. Samantala, ang mga peryodista naman ay sumusuong sa mga iba’t-ibang pagsubok upang ipakita ang tunay na lakas at dedikasyon para sa peryodismo. Gaya sa tibay ng loob ng mga pating, ang mga mamamahayag ay handang ipagtanggol ang kanilang mahal na komunidad.


Tumitindig, kasangga ng mamamayan, at gumagawa ng aksyon. Ilan yan sa mga katangian ng mga peryodistang tapat sa peryodismo. Dala ang papel at panulat, boses at dedikasyon, at ang pusong mayroong tapang—araw-araw na hinaharap ng isang peryodista ang kanyang misyon na maghayag ng katotohanan, mag-ulat, at maging tapat sa publiko.


Ang mga pating ay mayroong mahalagang papel sa karagatan. Sila ay malalakas at matatapang ngunit kailangan din silang pahalagahan at ipagtanggol sa mga mayroong masasamang balak. Gayundin sa ating mga peryodista, ang mga taong nasa likod ng pahayagan ay dapat din na ipagtanggol at higit sa lahat ay pahalagahan.


Kanilang katapangan ay hindi dapat katakutan, bagkus ang mga tagapag-balita ay dapat na suportahan at bigyang pagkilala dahil ang kanilang paglaban at hindi pananahimik tungkol sa mga katiwalian ay isang hindi matatawaran na katangian.


SANGGUNIAN:

[1] Lhg-Mike. (2020, April 29). Spiracles: The Secret of the Benthic Shark - Catalina Island Marine Institute. Catalina Island Marine Institute. https://cimi.org/.../spiracles-the-secret-of-the-benthic.../

No comments:

Post a Comment