Dibuho ni: James Gamboa
Inilathala ni: Michelle Piquero
Petsang Inilathala: Agosto 26, 2024
Oras na Inilathala: 2:40 PM
Ang kasal ay isang sagradong pagsasama sa pagitan ng dalawang magkasintahan ngunit ang pagkatapos ng seremonya ay hindi nangangahulugang natatapos na rin ang kalayaan at karapatan ng isang taong humindi at tumanggi para lamang maibigay ang pansariling kaligayahan ng kanilang karelasyon.
Pinaalalahanan si Sen. Robin Padilla ng abogadong si Loren Kapunan ukol sa isyu ng marital rape at na ang “no means no” ay dapat pa rin binibigyang halaga at pansin kahit na nasa loob na ng isang sagradong pagsasama ang dalawang magkarelasyon. Ngunit bilang tugon ng senador sa sinabi ng abogado, iginiit niya na mayroong “Sexual Rights” ang kahit na sino pagdating sa kanilang mga asawa. [1] Ngunit hindi ba dapat hindi natin tinitignan bilang pahintulot ang kasal para sa mga bagay na pangmakasarili lamang? Hindi ba dapat hindi natin tinatanggal ang kalayaan ng taong tumanggi sa mga bagay na pakiramdam niya ay hindi tama kahit na nasa loob siya ng isang sagradong relasyon?
Ang karapatang pantao ay hindi nawawala kahit na nasa loob ng isang sagradong pagsasama ang isang mamamayan at isa sa karapatang pantao na nakapaloob sa usaping ito ay ang kalayaan niyang humindi o tumanggi sa bagay na hindi niya gustong gawin. Hindi rin isang pagmamay-ari ang mga babae ng kanilang mga asawa para basta-basta na lamang nila itong gamitin o galawin. Gaya na lamang ng kaso ng People V.S Jumawan. Dito binigyang diin ng korte na walang karapatan ang lalaking asawa sa katawan ng kaniyang kasintahan. At binigyang linaw din ng kasong ito na ang kasal ay hindi isang pahintulot para basta-basta na lamang pilitin ang asawa ng isang tao na makipagtalik sa kaniya. [2] Kaya naman kahit sabihin nating parte ng pag-aasawa ang pagtatalik, hindi pa rin maaaring ipilit ang pangmakasariling kagustuhan sa iyong kasintahan.
Nabanggit din ng senador na kung hindi gusto ng babae makipagtalik sa kaniyang asawa, paano maso-solosyunan ang kagustuhang ito ng lalaking asawa? At paano rin masosolusyunan ang kagustuhan ng mga lalaki na hindi napagbigyan ng asawa? Mambababae na lamang daw ba? At naitanong din ng nasabing senador sa pagdinig na “Wala ka sa mood? Paano ako?” [3] Ngunit hindi ba dapat mas maiging intindihin natin ang magiging kalagayan ng mga babaeng naaabuso ang karapatang pantao maski sa loob ng isang relasyon kasama ang kasintahan na dapat magpro-protekta sakanila? Hindi ba’t mas importanteng bigyang solusyon ang nakakalimutang karapatan at kalayaan ng mga babae kaysa sa mga pangsariling kagustuhan na hindi napagbigyan?
Base naman sa batas ng Pilipinas, kinokonsidera pa rin na pang-aabuso sa karapatan ng mga kababaihan at rape ang paggalaw ng isang lalaki sa kaniyang asawang babae lalo na kung wala itong pahintulot. Hindi rin maaaring pilitin ng isang lalaki na makipagtalik ang kaniyang asawa kung ayaw talaga nito. Maaaring parusahan ang sinumang magtatangkang galawin ang kanilang asawa nang walang pahintulot sa ilalim ng Republic Act 8353. [4] Ang batas na ito ay kinokonsidera rin ang rape bilang krimen laban sa mga tao at hindi lang basta krimeng laban sa kalinisang-puri ng mga babae. Ipinaliwanag din sa batas na ito na hindi dapat natin limitahan ang ating kaalaman tungkol sa mga kung sino lang ang maaaring magahasa dahil kahit sino ay maaaring maging biktima nito kaya kahit nasa loob na ng isang sagradong pagsasama ang dalawang magkasintahan, ang pang-aabusong ganito ay maaari pa rin mangyari sa ating mga kababaihan. Gaya na lamang ng nangyari sa kaso ng People V.S Jumawan [2]. Dito ipinakita na kahit ang iyong pinagkakatiwalaan at pinakasalan na tap ay maaari pa ring abusuhin ang iyong karapatang pantao. Ang batas na ito ay nagsisilbi rin bilang paalala sa atin na ang karapatan ng mga babaeng maramdamang sila’y ligtas sa loob ng kanilang kasal ay hindi dapat ipinagkakait sakanila.
Bukod pa rito, ang mga lalaking asawa rin dapat ang siyang nangunguna sa pagbibigay proteksyon sa kanilang mga kasintahan at hindi nangunguna sa paggawa ng mga bagay na maaaring kumuha ng dignidad, pagkatao, at kalayaan ng mga kababaihan. Hayaan nating magkaroon ng kalayaan at boses ang kahit sinong mamamayan kahit na sila’y nasa loob na ng isang sagradong pagsasama. Huwag nating baliwalain ang kanilang karapatang pantao para lamang sa mga makasariling kagustuhan. Parehas din dapat pinakakasalan ang mga lalaki lalo na ang mga kababaihan nang dahil sa pagmamahal at hindi dahil sa kanilang katawan. Huwag din nating tignan bilang isang bagay na pagmamay-ari natin ang ating mga magiging asawa kundi tignan natin sila bilang isang tao na may pantay na karapatan gaya ng sa atin.
MGA SANGGUNIAN:
[1] GMA Integrated News (2024, August 15). Lawyer reminds Robin Padilla on marital rape: No means no, it applies to all.
https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/917260/lawyer-reminds-robin-padilla-on-marital-rape-no-means-no-it-applies-to-all/story/?amp
[2] Juris Prudence (2014, April 21). People V.S Jumawan.
https://jur.ph/jurisprudence/summary/people-v-jumawan-58251
[3] Mangaluz J. (2024, August 15). ‘Wala ka sa mood, paano ako?’: Padilla receives lecture on consent.
https://www.philstar.com/headlines/2024/08/15/2378104/wala-ka-sa-mood-paano-ako-padilla-receives-lecture-consent/amp/
[4] Philippine Commission on Women (n.d).
https://pcw.gov.ph/faq-ra-8353-an-act-expanding-the-definition-of-crime-and-rape/
[5] Quran & Marital Rape (2022, April 25).
https://sistersinislam.org/quran-marital-rape/
No comments:
Post a Comment