Itinanghal bilang Pangkalahatang Wagi ng Buwan ng Wika ang 𝘐𝘯𝘧𝘰𝘳𝘮𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯 𝘢𝘯𝘥 𝘊𝘰𝘮𝘮𝘶𝘯𝘪𝘤𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯𝘴 𝘛𝘦𝘤𝘩𝘯𝘰𝘭𝘰𝘨𝘺 (ICT) 𝘴𝘵𝘳𝘢𝘯𝘥 matapos nitong magkampeon sa dalawang magkaibang patimpalak at mag-uwi ng samu't saring pagkilala, kasama ng 𝘈𝘤𝘤𝘰𝘶𝘯𝘵𝘢𝘯𝘤𝘺, 𝘉𝘶𝘴𝘪𝘯𝘦𝘴𝘴, 𝘢𝘯𝘥 𝘔𝘢𝘯𝘢𝘨𝘦𝘮𝘦𝘯𝘵 (ABM) 𝘴𝘵𝘳𝘢𝘯𝘥 na pumangalawa at 𝘏𝘶𝘮𝘢𝘯𝘪𝘵𝘪𝘦𝘴 𝘢𝘯𝘥 𝘚𝘰𝘤𝘪𝘢𝘭 𝘚𝘤𝘪𝘦𝘯𝘤𝘦𝘴 (HUMSS) 𝘴𝘵𝘳𝘢𝘯𝘥 na pumangatlo, sa ginanap na Selebrasyong Pangwakas ng Buwan ng Wika noong Lunes ng hapon, ika-9 ng Setyembre, sa Danilo V. Ayap na Himnasyo.
Ibinahagi ni Bb. Camila Mae Viñas, Tagapag-ugnay sa Filipino, sa isang panayam na naging masaya ang paggunita sa Buwan ng Wika ngayong taon dahil sa masigasig na paghahanda ng mga kalahok at guro.
"Mailalarawan ko ang selebrasyon ng buwan ng wika ngayon na masaya. Talagang ang mga kalahok ay nakapaghanda at, ah, sila ay handang makipag-kumpitensya sa mga iba't ibang mga istrand. Talagang pinaghandaan din ng komite ang mga patimpalak na ibinigay para sa mga mag-aaral," sabi ni Bb. Viñas.
Nasungkit ng ICT ang kampeonato sa mga patimpalak na Pagguhit o 𝘊𝘩𝘢𝘭𝘬 𝘈𝘳𝘵 na ginanap noong ika-14 ng Agosto at Balagtasan na isinagawa noong ika-9 ng Setyembre. Nag-uwi rin ng Unang Parangal ang naturang strand para sa 𝘊𝘰𝘴𝘱𝘭𝘢𝘺, Tagisan ng Talino, at Pagbigkas ng Tula na kapwa naging daan upang masungkit nila ang titulong Pangkalahatang Wagi.
Nakamit naman ng ABM ang Ikalawang Pangkalahatang Wagi matapos nitong magkampeon sa Tagisan ng Talino na inilunsad noong ika-20 ng Agosto at Sabayang Pagbigkas na itinanghal noong ika-9 ng Setyembre. Sila rin ay nagtamo ng Ikalawang Parangal para sa Pagbigkas ng Tula.
Inuwi naman ng HUMSS ang Ikatlong Pangkalahatang Wagi nang sila ay manguna sa Pagbigkas ng Tula na ginanap noong ika-22 ng Agosto, manalo ng Ikalawang Parangal sa Balagtasan, at Ikatlong Parangal sa 𝘊𝘩𝘢𝘭𝘬 𝘈𝘳𝘵 at Tagisan ng Talino.
Samantalang ang 𝘚𝘤𝘪𝘦𝘯𝘤𝘦, 𝘛𝘦𝘤𝘩𝘯𝘰𝘭𝘰𝘨𝘺, 𝘌𝘯𝘨𝘪𝘯𝘦𝘦𝘳𝘪𝘯𝘨, 𝘢𝘯𝘥 𝘔𝘢𝘵𝘩𝘦𝘮𝘢𝘵𝘪𝘤𝘴 (STEM) strand ay nanguna sa patimpalak na 𝘊𝘰𝘴𝘱𝘭𝘢𝘺 na iprinisente noong ika-24 ng Agosto, at pumangalawa rin sa 𝘊𝘩𝘢𝘭𝘬 𝘈𝘳𝘵. Ang 𝘏𝘰𝘮𝘦 𝘌𝘤𝘰𝘯𝘰𝘮𝘪𝘤𝘴 (HE) 𝘴𝘵𝘳𝘢𝘯𝘥 naman sa kabilang dako ay nanguna sa Sabayang Pagbigkas na itinanghal noong ika-9 ng Setyembre. Habang ang 𝘎𝘦𝘯𝘦𝘳𝘢𝘭 𝘈𝘤𝘢𝘥𝘦𝘮𝘪𝘤 𝘚𝘵𝘳𝘢𝘯𝘥 - 𝘐𝘯𝘥𝘶𝘴𝘵𝘳𝘪𝘢𝘭 𝘈𝘳𝘵𝘴 (GAS-IA) naman ay pumangatlo sa Balagtasan at Sabayang Pagbigkas.
Ipinahayag din ni Bb. Viñas na naging mas masigla ang pagbalik ng 𝘧𝘢𝘤𝘦-𝘵𝘰-𝘧𝘢𝘤𝘦 na selebrasyon ng Buwan ng Wika matapos ang huling pagdiriwang nito dalawang taon ang nakararaan sa onlayn na plataporma.
"Noong nakaraan... Ang kaibahan nito, nu'ng nakaraan na pagdiriwang 2022, 'yun kasi ang ginanap parang 𝘰𝘯𝘭𝘪𝘯𝘦 lang. Halos 𝘰𝘯𝘭𝘪𝘯𝘦 lang lahat ng mga patimpalak na hindi masyadong na-𝘦𝘯𝘫𝘰𝘺 [at] hindi masyadong naramdaman ng mga kalahok na talagang mayroong personal o pisikal na pagtatanghal sila na ginawa. Hindi katulad ngayon na mas masigla [at] mas aktibo 'yung mga pagtatanghal na ginawa dahil 𝘧𝘢𝘤𝘦-𝘵𝘰-𝘧𝘢𝘤𝘦 dna, personal na pagtatanghal na sa entablado ang ginawa nila," dagdag pa niya.
Ang Selebrasyong Pangwakas na ginanap ay nagbigay-daan upang bigyan ng pagkilala ang mga nagwagi at upang pormal na isara ang Buwan ng Wika ngayong taon.
No comments:
Post a Comment