Thursday, November 14, 2024

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Malayo sa Bituka” ni Lara Marie De Leon

Inilathala ni: Aprilyn Sado

Petsang Inilathala: Nobyembre 14, 2024

Oras na Inilathala: 11:18 AM


Kategorya: Prosa

Tema: Ang sakit na dala ng unti-unting pagbitaw sa mga memorya.


Malabong mamatay, malayo sa bituka.

Hindi ko naman pinagtutuunan ng pansin ngunit sa bawat paghinga, nararamdaman ko pa rin. Tila napagtaksilan ako ng sarili kong puso; parang hindi na kami magkakampi rito. Hindi ka pa nawawala, naririnig ko na ang bawat yapak mo papalayo.

Hindi na kita mahagilap. Bakit parang sa kwentong tayong dalawa ang nagsimula, ako na lamang ang natitira?

Sinubukan kong takbuhin pabalik sa umpisa, sa panahong tayo’y napupuno pa ng pag-asa. Pero unti-unti ka nang lumalayo; hindi na kita mahabol. Dahan-dahan kang naglalaho sa likod ng aking mga ala-ala—hindi na ang bawat linya sa iyong mukha, pati ang tunog ng iyong mga tawa, ang laman ng aking isip sa bawat gunita. Ako na lang yata ang naiiwan dito, nagbabakasakaling maibalik ang nakaraang hindi ko na kaya pang buhayin nang mag-isa.

Hindi ko binigla. Kinalkula ko ang bawat galaw pati ang mga salita—siniguradong tama ang bawat desisyon. Nagmasid hanggang sa lahat ay luminaw, hanggang sa hindi na nararamdaman ang pangamba. Pero sadyang maligalig ang tadhana. Sa isang iglap, hindi pa nagsisimula, talo na agad sa laban.

Sulat, bura, tapon… Sulat, bura, tapon…

Paulit-ulit kong sinusubukan na mabuo ang salita upang iparamdam sa‘yo ang bigat. Hindi ko na alam kung paano ipapaalam sa’yo na unti-unti na akong napapagod—nakakapagod buhatin ang bawat alaala natin nang mag-isa. Sa bawat paglingon ko sa iyong direksyon, wala na akong natatanaw kundi ang sarili kong anino.

Hindi na yata kaya ng sampung minutong usapan ang mga bagay na hinayaan nating dalhin ng simoy ng hangin. Kung ang mga lumipas na gabi ng katahimikan ang sagot sa aking pagkalito, siguro kailangan ko na ng milagro—isang bagay na hindi kaya makuha gamit ang mga salita, mga luha, o mga ala-ala.

Sa pagdilim ng himpapawid at pagdalaw ng buwan, tuwing ako’y dumudungaw sa mga bituin, tila lumalalim ang sugat ng iyong paglisan. Nahihirapan na akong pigilan ang pagdurugo, hindi na kaya takpan ng koritas.

Malayo nga sa bituka, malapit naman sa puso.

No comments:

Post a Comment