Inilathala ni: Jielian Lobete
Kategorya: Prosa
Tema: Pagiging kalmado ng magulong mundo kapag nagmamahal
Atat akong tao, bawat kilos ko ay magaslaw at kadalasang ang mga bagay ay minamadali ko, maayos, at mabilis na tinatapos.
“Ang oras ay tumatakbo, at ang mundo ay hindi humihinto,” 'yan ang mga katagang itinatatak ko sa aking isipan, hindi ako espesyal upang mahinto ang mga kaarawan, gala't kasal.
Madalas ay puro pasa ang aking hita, dahil sa mga talisod na dinanas ng aking mga paa. Halos kumirot na ang aking mga braso sa mga baga-bagaheng mabibigat at sabay-sabay kong binubuhat. Minsa'y isinusumpa at kinukwestyon ko ang mundo, kung parati ba dapat ganito? Na mabigat at hindi patas ang laban sa mga kwento.
Isang beses, sa sobrang pagmamadali ko, sumang-ayon ang oras at mundo na gawing banayad ang paglipad ko; basta't andyaan ako sa piling mo.
Kagaya ng nakasanayan ay hinayaan muna nila akong matapilok, matalisod, at kalaunang inilaglag sa mga bisig mo. At ako, wala akong reklamo, dahil panatag ang aking loob sa iyong siguradong pagtakbo.
Aking napag-isipan at napagtanto na kaya banayad ang lipad ko, ay dahil sa mga banaag ng mga ngiti mo, na wala akong ibang ginawa kundi magnakaw-sulyap sa iyo. At sa t'wing ang mga balat mo'y nakapulupot sa braso ko, ang mga puhon ay nagiging paham sa tabi mo. Hindi na gumagasgas sa aking braso ang mga pader sa kanto, hindi na rin namamantsahan ang aking mga kwelyo, hindi na mabigat ang mga bagaheng bitbitin ko.
Magaan ang lahat kapag ang iyong kamay ay aking hawak-hawak, ang iyong mga tingin na mismo ang nagsasabing hindi ko kailangang habulin ang oras; ito mismo ang gagawa ng paraan at hihinto para sa atin, kung saan ang mga minuto ay hindi aalpas.
Hindi ko na hinahabol at tinatakbo ang pagpatak ng mga numero, kahit ang paaralan ko'y halos isang oras ang layo patungo sa mga tibok ng puso mo. Mga braso mo ang pahinga ko bago ako humarap sa mausok at maingay na alon ng mga tao. Dahil kapag isinandal mo na ang iyong ulo sa balikat ko, banayad at payapa na ulit ang aking mundo.
Wala nang mababasag na mga paso sa t'wing minamadali ko ang mga yapak ko. Hindi na ako tutungga ng kapeng barako at magrereklamo sa pait na dala-dala nito. Ngunit bibilangin ko pa rin ang mga numero sa ilaw ng trapiko, mahina ko pa ring ipapadyak ang aking mga paa hanggang ihinto ni manong ang kalesa. Dahil pagkatapos nito, tayo naman ang sasabay sa agos ng mga tao. Dahil kung titignan mo, may banaag na, sa'yo'y banayad na.
No comments:
Post a Comment