Friday, December 6, 2024

π—žπ—’π—Ÿπ—¨π— : “Tulong ng Ulupong” ni Angelli Clarisse S. Gonzales

 


Dibuho ni: Chloe Allyson 

Inilathala ni: Daniel Joshua Madrid 

Petsang inilathala: December 6, 2024

Oras na inilathala: 10:04 AM


Sino nga ba ang tunay na maaasahan sa panahon ng sakuna? Ang tulong na di mo marawi kung totoo o pakitang tao lamang. Bakit kinakailangan ang pagkuha ng larawan kapag tutulong sa taong bayan? Hindi makamit ang tagumpay sa pagpili ng nararapat sa pulitika dahil tayo na mismo ang pumipili na talikuran ang ating karapatang pumili ng karapat-dapat. Mas nararapat na piliin kung sino ang may kakayahang dumalo sa mga panahong mahirap at kailangan ng tulong ng taong bayan.


Balita ngayon ang larawan ni Gov. Luigi Villafuerte na nakasakay sa bangka habang namimigay ng nasabing perang ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Kristine. Nakatanggap ito ng maraming batikos 'pagkat sa tingin ng marami, ginagawa niya lamang ito para sa kanyang sariling hangarin. May isang netizen ang nakapagsabi na “Hindi nakakaawa tingnan ang pulitika dahil ganito ang paraan niya mangampanya kundi yung mga taong nilulunok na lang yung pride at hindi na naalala ang kahihiyan para lang makatanggap ng tulong na dapat gobyerno ang gumagawa.” Matuto tayong buksan ang ating mga mata sa mga ganitong sitwasyon 'pagkat nakasalalay rito ang kaunlaran ng ating bayan at tayo lang din ang maapektuhan sa maling gawain ng ating mga napiling pulitika.


Dagdag pa rito ang kumalat na larawan nito sa Siargao kasama ang kanyang kasintahan na si Yassi Pressman. Nakatanggap din ito ng maraming batikos dahil sinasabi ng marami na sa panahon ng sakuna ay nakuha pa raw magbakasyon ng gobernador ng Bicol Region. Dahil sa nangyari, nagpaliwanag ang gobernador na bago pa man manalasa ang bagyong Kristine ay nakauwi na sila galing ng Siargao. Ngunit sana man lang ay inisip man lang nila na hindi iyon ang tamang panahon na ikalat ang larawan nila sa Siargao 'pagkat bilang isang miyembro ng pulitika, inaasahan ng taong-bayan ang iyong tulong na dapat ay nakaantabay pagkatapos ng sakuna.


Pagkatapos ng sunod-sunod na batikos laban kay Gov. Luigi ay naghain din ng pahayag ang kanyang ama patungkol sa isyu ng pagbibigay ng ayuda nito sa mga nasalanta ng bagyo. “Ako namimigay rin ako ₱500, ₱1,000. Walang masama roon. Bakit? Kasi hindi naman po pwedeng bigyan ‘yung flooded area ng relief, kasi hindi pwedeng mabigyan ng sasakyan. So bumibisita kami, and the best thing we can do is give them cash for now. There is nothing wrong with that," ani Camarines Sur 2nd District Representative Luis Raymond Villafuerte Jr. Hindi na nga tumigil ang pagkalat ng isyung ito dahil sa parehong aktong ginawa ni Camarines Sur 5th District Miguel Luis Villafuerte na namimigay ng perang naghahalagang 500 pesos habang ito ay nakasakay din sa isang bangka sa gitna ng sakuna. Sa kanilang palagay ay tulong na ang pamimigay ng pera sa mga nasalanta ng bagyo. Para saan ang perang ₱500 o ₱1000 kung stranded ka sa baha at may mga pamilya lang nasawi dahil sa hagupit ng bagyo? Pera na lang ba talaga ang sa tingin nilang solusyon sa pagsasaayos at paghahatid ng tulong sa mga apektado ng bagyo? Hanggang saan aabot ang ayudang ito kung wala na rin namang tirahan na mauuwian ang ibang apektado ng bagyo? Bago man lang sana ang bagyo ay nagawa man lang bumisita ng mga opisyal sa mga bahay-bahay upang tingnan ang parte ng bawat bahay upang masigurong matibay o maayos pa ang kalagayan nito bago pa man humagupit ang bagyo. Kinakailangan pa talagang dumaan muna ang bagyo at may mawasak bago dumating ang tulong sa taong bayan. Sinasabi nila na kapag gusto ay may paraan at kung ayaw ay maraming dahilan. Kung talagang ang nais mo ay tumulong sa taong bayan, kakayanin mong sumulong imbis na magdahilan sa taong bayan.


Sa pagtatapos, sam- sama tayong imulat ang ating mga mata at tignan ang kalagayan ng ating pulitika. Piliin natin ang may kakayahang sumulong at magpakita sa mga panahong kinakailangan natin sila lalo na sa panahon ng sakuna. Buksan pa lalo ang isipan upang hindi na madala sa matatamis na salita at pakitang-tao na galaw ng mga miyembro ng pulitika ngayon.


MGA SANGGUNIAN:

[1] Tgfm. (2024, October 25). Gov’t officials in Bicol criticized for handing out cash to typhoon victims. The Global Filipino Magazine. https://theglobalfilipinomagazine.com/govt-officials-in.../

[2] Serato, A. C., & Serato, A. C. (2024, October 25). Luigi Villafuerte addresses “fake news” about Siargao trip. PEP.ph. https://www.pep.ph/.../luigi-villafuerte-siargao-trip...

No comments:

Post a Comment