Tuesday, December 10, 2024

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘:“Hindi na” ni Frans Danielle R. Castillo


Disenyo ni: Cianyah Mendoza 

Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano 

Petsang Inilathala: Disyembre 10, 2024 

Oras na Inilathala: 6:42 PM 

 

Kategorya: Prosa

Tema: Pag-alala sa dating nakasanayang buhay dahil sa nararanasang buhay ngayon


Hindi na madami ang tubig sa noodles. Ngunit, hindi ang noodles ang tinutukoy ko. 


Hindi na kailangang damihan ang tubig nito para lamang makakain ang buong pamilya sa araw-araw. Ang dating ulam na sardinas ay nakakain nalang kung kailan gusto. Ang dating inuutang sa tindahan ay nagagawa nang bilhin nang hindi nangangamba sa presyo. 


Kung sasabihin ko ito ngayon sa dating ako, tiyak na hindi maniniwala ‘yon. Hindi siya maniniwalang nagagawa na naming bumili ng soft drinks kahit walang espesyal na okasyon. Hindi siya maniniwalang nakakapunta na kami sa lugar na dati’y pinapangarap lang naming puntahan. Hindi siya maniniwalang hindi na siya nakakaranas ng pangungutya ng mga kapitbahay sa tuwing siya ay mangungutang ng kanilang makakain sa tindahan. 


Hindi siya maniniwalang hindi natapos ang buhay niya dahil inaakala niya’y hindi na siya makakaahon. Hindi siya maniniwalang nagagawa na niyang mangarap ulit nang walang pangamba sa hamon ng ibibigay sa kaniya ng tadhana. Ang mga gamit na tahimik niya lang tinitignan ay nagagawa na niyang bilhin. Hindi siya maniniwalang nakaahon siya sa madilim na lugar na akala niya kailanman ay hindi siya makakaalis. 


Hindi siya maniniwalang hindi na niya kailangang damihan ang tubig sa noodles para lang makakain. 


#prose


IMAGE SOURCE

Sparacino, N. (2024, May 31). Instant Noodles Pack Mockup. Pinterest. https://pin.it/603ttFQSK

No comments:

Post a Comment