Wednesday, December 11, 2024

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘ “Sa Gitna ng Pagkabasag” ni Kathleen D. Yambot


Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano 

Petsang Inilathala: Disyembre 11, 2024

Oras na Inilathala: 12:59 PM 


Kategorya: Prosa

Paksa: Sirang pamilya 


Ang tahanan namin ay parang baso—maganda at buo noong una, yung tipong hahagkan mo tuwing umaga upang maitimpla ang kape ng pagmamahal. Ngunit sa malilikot na kamay ng mga makasalanang nais makalaya, dumulas ang baso sa mga palad ng tadhana’t iniligwak ang mga bubog sa sahig. Ang sigawang mula sa halakhak ay unti-unting tumatalim, bawat patnig ay dumidiin. Hanggang sa naguhitan ang baso ng purong pagmamahalan at tuluyang kumalas sa kamay ng mundo’t ikinalat sa sahig ang bubog ng mga alaala.  


Ngunit sa kabila ng lahat, natutunan naming huminga. Ang dating bigat ng pilit na pagsasama ay napalitan ng ginhawang hatid ng espasyo. Ang bawat miyembro ng pamilya ay natutong tumayo sa kani-kanilang mga paa, umasa sa sarili, at hanapin ang daang tama’t itinakda. Ang mga alaala ng sugatang tahanan ay naging paalala kung paano kami bumangon mula sa pagkakabagsak.  


Ang ina kong laging tahimik ay natutong ngumiti muli, natutong sumayaw sa ilalim ng ulan nang walang takot sa basang lupa. Ang ama kong madalas malayo ay naghanap ng sariling kapayapaan, at bagamat hiwalay, kami’y nakahanap ng bagong uri ng pagdamay.  


Sa gitna ng pagkabasag, nahanap namin ang aming halaga, hindi bilang isang perpektong pamilya, kundi bilang mga indibidwal na natutong maghilom. Ang sirang pamilya ay hindi wakas; ito pala ang simula ng mas malalim na ugnayan—ugnayang hindi pinilit, kundi kusa at tunay.  


Ngayon, sa tuwing iniisip ko ang nakaraan, hindi ko na nakikita ang basag na baso. Nakikita ko ang mga pirasong nagliwanag, ang mga alaalang kumislap, at ang tahanang nabuo sa ibang anyo. Hindi man buo tulad ng dati, mas matibay ito ngayon—dahil sa pagkasira, natutunan naming maging totoo.

No comments:

Post a Comment