Wednesday, April 2, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Hiraya Manawari" ni Cianyah Mendoza

 


Disenyo ni: Cianyah Mendoza

Inilathala ni: Lean Miguel Tizon

Petsang Inilathala: Abril 2, 2025

Oras na Inilathala: 10:27 AM


Kategorya: Prosa
Paksa: Pagpapatuloy sa pangarap

Malayo na pero malayo pa.

Ang landas na ating hinaharap ay hindi isang tuwid at patag na daan. Ito’y lubak-lubak, may matatarik na akyatan at biglaang liko. Hindi ito isang kalsadang bago, kundi isang lumang daan kung saan bakas ang yapak ng mga dumaan at puno ng pagsubok. Sa bawat hakbang, may mga sandaling tila tayo’y naliligaw, bumibigat ang loob, at tinatangay ng pagaalinlangan.

"Kakayanin ko ba?" Sa harap ng mga hadlang, may sapat ba akong lakas upang magpatuloy?

"Kaya ko ba?" Sa kabila ng walang kaalaman kung ano ang naghihintay, may tapang ba akong humakbang?

Hindi kaaway ang pagdududa. Kasama ito sa bawat paglalakbay. Bata pa tayoβ€”hindi natin kailangang alam na ang lahat ng sagot. Pero hindi natin dapat hayaang lamunin tayo ng pangamba. Ang pag-aalinlangan ay tulad ng aninong sumusunod sa atinβ€”saanman may anino, may liwanag na nasa likod nito.

Sa mga sandali ng panghihina, lingunin ang nakaraan. Hindi upang panghinayangan, kundi upang alalahanin kung paano mo nalampasan ang mga hamon noon. Lahat ng pagsubok na napagtagumpayan mo ay patunay na kaya mong tumindig at magpatuloy.

Sa kabila ng mahahabang gabi ng pagdududa, sa gitna ng bagyong humahadlang sa ating paglakad, sa harap ng mundong tila nagsasabing huminto na tayoβ€”magpatuloy tayo. Kahit maliit na hakbang, basta pasulong.

At kung dumating ang sandaling pakiramdam mo’y nag-iisa ka, alalahanin mong hindi ka nag-iisa. Ano man ang landas na iyong tinatahak, madilim, mabato, o maputikβ€”nawa’y matagpuan mo ang lakas upang ipagpatuloy ang iyong paglalakbay at sabihing, hiraya manawari.


No comments:

Post a Comment