Wednesday, April 2, 2025

π—•π—”π—Ÿπ—œπ—§π—”π—‘π—š π—”π—šπ—›π—”π— : "NASA, naglunsad ng misyon upang pag-aralan ang araw at pinagmulan ng Uniberso" ni Earl James B. Delos Santos


Disenyo ni: Jewell Ann Calingasan

Inilathala ni: Michelle Piquero

Petsang Inilathala: Abril 2, 2025

Oras na Inilathala: 12:44 PM

Matagumpay na inilunsad ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang dalawang makabagong misyon sa kalawakanβ€”ang SPHEREx at PUNCH sa Vandenberg Space Force Base sa California noong Martes, ika-11 ng Marso, upang pag-aralan ang pabagu-bagong panlabas na atmospera ng araw.

Ang Spectro-Photometer for the History of the Universe, Epoch of Reionization, and Ices Explorer (SPHEREx) ay idinisenyo upang gumawa ng isang detalyadong 3D na mapa ng kalangitan sa pamamagitan ng pagsusuri sa infrared light mula sa kalawakan, mga bituin, at mga planetaryong sistema.


β€œThe fact our amazing SPHEREx team kept this mission on track even as the Southern California wildfires swept through our community is a testament to their remarkable commitment to deepening humanity’s understanding of our universe,” saad ni Laurie Leshin, direktor ng NASA Jet Propulsion Laboratory at pangunahing at lider ng proyekto ng SPHEREx.

(Kamangha-manghang napanatili ng aming SPHEREx team ang misyon na ito sa kabila ng mga sunog sa Southern California ay patunay ng kanilang pambihirang dedikasyon upang palalimin ang pang-unawa ng sangkatauhan tungkol sa ating uniberso.)

β€œWe now eagerly await the scientific breakthroughs from SPHEREx’s all-sky survey β€” including insights into how the universe began and where the ingredients of life reside.”

(Ngayon ay sabik naming hinihintay ang mga siyentipikong pag-usbong mula sa all-sky survey ng SPHEREx β€” kabilang ang mga kaalaman tungkol sa kung paano nagsimula ang uniberso at kung saan matatagpuan ang mga sangkap ng buhay.)

Susukatin din nito ang liwanag na inilalabas ng lahat ng mga kalawakan, kabilang na ang mga napakalayo at napakadilim na hindi makita ng ibang mga teleskopyo.

Sa pamamagitan nito, makakakuha ang mga eksperto ng mas malawak na pananaw sa lahat ng pangunahing pinagmumulan ng liwanag sa uniberso.

Isa sa mga pangunahing layunin nito ay ang paghahanap ng bakas ng tubig, carbon dioxide, carbon monoxide, at iba pang mga kasangkapan na kinakailangan upang mabuhay, sa loob ng mga ulap ng gas at alikabok na bumubuo sa mga planeta at bituin.

Samantala, ang misyon naman ng Polarimeter to Unify the Corona and Heliosphere (PUNCH) ay ang pag-aaral ng solar winds at coronal mass ejections (CMEs), na mahalaga upang maunawaan ang panahon sa kalawakan at ang mga maaaring maging epekto nito sa mga sistema ng komunikasyon at power grids sa Daigdig.

β€œThe PUNCH mission is designed to answer basic questions about how stars like our Sun produce stellar winds, and how they give rise to dangerous space weather events right here on Earth,” saad ni Craig DeForest, Heliophysicist at punong imbestigador ng misyon mula sa Southwest Research Institute.

(Ang misyon na PUNCH ay idinisenyo upang sagutin ang mga pangunahing katanungan tungkol sa kung paano ang mga bituin tulad ng ating Araw ay lumilikha ng stellar winds, at kung paano ito nagiging sanhi ng mga mapanganib na space weather events dito mismo sa Daigdig.)

β€œThe space between planets is not an empty void. It’s full of turbulent solar wind that washes over Earth,” dagdag nito.

(Ang espasyo sa pagitan ng mga planeta ay hindi isang walang laman na kahungkagan. Ito ay puno ng magulong solar wind na humahampas sa Daigdig.)

Umaasa ang mga siyentista na ang SPHEREx ay magbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa ebolusyon ng uniberso sa pamamagitan ng pag-aaral sa liwanag mula sa 450 milyong mga kalawakan, habang ang PUNCH ay magpapahusay ng mga modelo na magagamit sa pagpredikta ng solar storms.

Ipinahayag ng mga opisyal ng NASA na ang mga misyong ito ay mas magpapalalim ng kanilang kaalaman patungkol sa mga bahagi ng kalawakan at sa pag-uugali ng Araw sa sistemang solar.

Ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa eksplorasyon ng kalawakan at inaasahang magbubunga ito ng mahahalagang kaalaman sa mga darating na taon.

MGA SANGGUNIAN:

[1] Taveau, J. (2025, March 12). NASA Launches Missions to Study Sun, Universe’s Beginning. NASA. https://www.nasa.gov/news-release/nasa-launches-missions-to-study-sun-universes-beginning/

[2] Strickland, A. (2025, March 11). NASA launches newest space telescope to seek life’s key ingredients. CNNScience. https://edition.cnn.com/2025/03/11/science/nasa-spherex-punch-launch/index.html

[3] The Guardian. (2025, March 12). Nasa’s new Spherex telescope lifts off to map cosmos in unprecedented detail. The Guardian. https://www.theguardian.com/science/2025/mar/12/nasas-spherex-telescope-launch

No comments:

Post a Comment