Inilathala ni: Mherry Vhine Macalalag
Petsang Inilathala: Agosto 15, 2025
Oras na Inilathala: 12:29 PM
Kategorya: Tula
Tema: Pagkaligta sa paghihirap ng tagapagligtas
Sa isang munting isla, kung saan nakapalibot ang bughaw na karagatan—
Isang tuwid at makisig na parolang palaging nakatindig, walang alinlangan.
O munting parola—Ika’y taga-gabay sa bawat sulok ng kalawakan,
Taga-direkta sa daan patungo sa liwanag ng pag-asa’t kaligtasan.
Sa bawat haplos ng alon sa’yong mga marmol na binti,
Hindi kailanman nawala ang nagniningning mong ngiti.
Sa unos ng gabi, ikaw ang nagsisilbing tanglaw at gabay,
O munting parola—sa’yong piling kami’y muling hihimlay.
Sa paglipas ng panahon, bakas ang oras sa katawan mong puno ng biyak—
Tila bawat marka, tanda ng mga alon na mag-isa mong tinahak.
Ang maliwanag mong sindi ay unti-unting kumikislap—
Lumalabo na rin ang ‘yong kulay sa agos ng alat na yumayakap.
Ngunit, walang nakapansin sa nanghihina mong tikas,
Pati na sa pagpilit mong tumayo para sa mapagkunwaring lakas.
Habang patuloy ang ‘yong huwad na pagbangon,
Nagbabadya ang dagat na wawakasan ang kinagisnang kahapon.
Tahimik na lumalapit ang unos, bitbit ang ragasa ng pait—
Papalapit sa dapitan, kung saan ika’y nag-iisa sa ilalim ng langit.
Hanggang sa dumating ang mapaghimagsik na hapis.
Tumama ang daluyong—pinabagsak ang ‘yong nagtataasang wangis.
Winasak ang ‘yong pundasyong sa sambayanan ay ‘di kayang ipabatid.
Binura ang ‘yong anyo, nabunyag ang lihim mong hinagpis.
Subalit—sa libo-libong hinatid—ginabayan at dinako sa kublihang ligtas,
Tila ni-isa’y walang nakapansin sa masakit mong paglagas.
Sa ligtas mong piling, ni anino’y wala man lang nakapansin—
Wala man lang nakapansin sa pagdurusa mong kinikimkim.
Kung kaya’t ang ‘yong presensya sa dilim ay hindi sapat—
Hindi sapat upang ika’y yakapin sa oras ng ‘yong pagwawakas.
Sapagkat, ang ‘yong wangis sa masaklaw na karagatan—
Tila’y unti-unti nang kinakalimutan, nilulunod sa limot at katahimikan.
Wala nang tanglaw sa landas ng gabing nilamon ng kabiguan—
At sa kadiliman, gumuho sa yapos ng sariling kasaysayan.
No comments:
Post a Comment