Inilathala ni: Mherry Vhine Macalalag
Petsang Inilathala: Agosto 19, 2025
Oras na Inilathala: 10:31 AM
Kategorya: Prosa
Tema: Pagtitiis ng maralitang Pilipino sa harap ng walang katapusang kalamidad, kawalan ng katiyakan, at kakulangan ng tulong mula sa pamahalaan.
"Ma, ang bigat na naman ng ulan," saad ni Mila habang pilit na tinatakpan ng trapal ang nabasang mga karton na nagsisilbing higaan nila sa umaga.
Sa isang barong-barong na yari sa yero at pinagtagpi-tagping trapal, naroon ang isang pamilyang kumakapit sa isa't isa habang pinapanood kung paanong unti-unting nilalamon ng baha ang sahig na minsan na rin nilang tinawag na tahanan.
Para sa kanila, wala nang mas nakabibinging tunog kundi ang patak ng ulan sa bubong na yero na tila ba binubugbog ang tahanang halos wala ng laban.
"Pasensya na, anak. Parang galit na naman ang langit," malungkot na sambit ng Ina ni Mila. Hindi mapigilang maluha dahil sa kalagayaan na mayroon sila.
Sa ilalim naman ng isang maliit na tolda, mga batang basang-basa sa ulan ang nagsisiksikan, ang ilan ay yakap ang kanilang mga ina, ang iba'y tahimik lang na nakatingin sa malayo. Pinagmamasdan ang ulan at iniisip kung kailan ito titigil. May isa, si Nena, pitong taong gulang pa lang, ang biglang nagsalita, "Nay, bakit po lagi na lang ganito?"
Tahimik.
Ang paligid ay biglang tumahimik. Ang kalangitan na may puot sa mundo ay biglang nanahimik sa tanong ng ni Nena. "Bakit kailangan naming matulog sa karton habang 'yong iba may kama?" Sunod na tanong ng isa pang bata, kapatid ni Nena.
"Bakit po ang bagyo laging sa'tin bumabagsak?"
"Bakit po parang hindi natatapos? Nay, ang hirap po."
Walang makasagot. Kahit ang matandang si Mang Berto na sanay na sa baha, sa pagbuhos ng ulan na tila galit na galit, ay napayuko. Dati'y siya ang nagpapalakas ng loob ng mga tao, pero ngayon, kahit siya'y pagod na.
May mga sandaling mapapatanong ka talaga kung bakit ganito ang sistema. Kung bakit kailangan pa nilang mag-alala kung saan sila matutulog, kung makakakain pa bukas, kung may darating bang tulong. Hindi naman sila humihingi ng sobra. Ang gusto lang nila ay panatag na gabi. Isang araw na walang kailangang itaas na gamit sa takot na baka walang matira sa kanila. Isang linggong walang lilikasan. Isang taon na hindi sinusukat ng ulan ang tibay ng loob nila.
At sa ilalim ng itim na langit, habang kinukubli ng ulan ang luha ng bayan, ang sambayanang Pilipino ay patuloy na kumakapit. Hindi dahil madali. Kundi dahil wala silang pagpipilian kundi lumaban habang binabaha ng tanong ang kanilang mga buhay. Umaasa. Nagdarasal. Naghihintay. Para sa pagbabago na hindi nila makamit.
No comments:
Post a Comment