Tuesday, August 18, 2026

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Biyaheng Kinabukasan” ni Yvonne Tolentino ‎



Disenyo ni: Courtney Joy Ocampo

Inilathala ni: Lanaia C. Paulin

Petsang Inilathala: August 18, 2026

Oras na Inilathala: 2:12 PM


Kategorya: Prosa


‎Tema: Ako at ang kinabukasan

‎Mahaba ba ang pasensya ng kinabukasan para maghintay sa akin?

‎Ang kinabukasan ay ang estrangherong takot akong makilala. Ang biyahe patungo sa kanya ay marahil matagal pa, ngunit ang kaba ko ay nasa karera. Ang kalsadang tatahakin ko ay hindi kongkretong daan patungo sa kanya.

‎Dahil doon, puno ang aking isip. Dumadagdag ang mga bigat na dadalhin ko hanggang bukas. Takot akong matalo sa kompetisyon na ang kalaban ko ay ako. Ang mga desisyon ko sa buhay ang sumusulat ng mga bagong pahina, kaya sa bawat hakbang ay takot ang pusong lumaban.

‎Sa kabila ng lahat ng iyon, pinili ko pa ring tumuloy sa biyahe. Kahit na ang kinabukasan ay patuloy na nagtatanong, “Anong plano mo?” hindi pa rin ako makaimik. Wala akong maisagot. Dahil ang sigurado lang, mabilis ang oras, ngunit mabagal ang byaheng ito.

‎Ang biyahe patungo sa bukas ay nakapapagod. Sa biyaheng ito, may mga landas na hindi para sa akin na tinahak ko pa rin. Ang bawat pagkakamali ay parte ng paglalakbay kaya hindi ako maaaring magmadali. Takot akong mapag-iwanan, kahit wala naman talaga akong kalaban.

‎Nang matutunan kong talikuran ang aking mga pangamba at bitawan ang mga pagkakamaling hindi ko na mabago, gumaan ang aking pakiramdam. Habang nasa byahe, hindi na ako tulad ng dati na mabilis mapagod, dahil tinanggap ko na hindi ko kailangang malunod sa mga bagay na hindi ko pa kayang bitbitin.

‎Maaaring sa paglipas ng mahabang panahon ay nasa byahe pa rin ako, ngunit marami nang nagbago. Maaaring may takot pa rin sa puso ko, pero ang gulong ng sasakyan ay hindi na nahihirapan. Dahil patag na ang kalsada patungo sa estrangherong handa ko nang makilala.

No comments:

Post a Comment