Petsang Inilathala: Agosto 21, 2025
Oras na Inilathala: 5:52 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Pagkatuto na pakinggan ang sariling boses at tuluyan na kumawala sa impluwensya ng iba.
Ako'y sumisigaw na, ngunit bakit hindi mo pa rin marinig?
Paulit-ulit na ang mga salitang lumalabas sa aking labi—hindi mo ba talaga ako papansinin? Lahat ng sinasabi ko ay totoo, kung kaya't sana ay piliin mong makinig sa boses ko at huwag hayaang palaging natatabunan ng iba.
Araw-araw akong bumabangon na may tanong—ito ba talaga ang gusto kong destinasyon? O ang daang ito ba ay pinagpapatuloy lamang dahil ito ang sinabi nilang tama?
Sa bawat mabigat na hakbang, naririnig ko ang sigaw ng puso, humihiling na tumigil muna saglit at pag-isipan ang mga susunod na gagawin. Ngunit, sa dulo'y laging nananalo ang sigaw ng mga utos at pamantayang itinanim sa akin.
Minsan, humihinto ako sa gitna ng daan, umaasang baka may lumitaw na sagot sa gitna ng katahimikan. Ngunit, ang katahimikan ay laging saglit lamang, dahil unti-unting bumabalik ang mga bulong na humihila sa akin pabalik sa direksyong hindi ko pinili.
Kahit gusto kong pumiglas, bakit parang hindi ko pa rin kayang umalis? Bakit ako'y nanatili pa rin?
Pagod na ako—pagod na sa tuluyang pagsigaw sa sarili, sa paglalakad nang may mabigat na karga sa aking puso, sa bawat oras na patungo sa destinasyong pilit inilalatag sa aking harapan.
Kung kaya't ngayon, habang nakaharap ako sa sarili kong repleksyon, habang ang bawat salita ay parang apoy na kumakawala mula sa aking lalamunan, pakiusap—pakinggan mo ako sa huling pagkakataon. Gusto ko lang malaman...
Bakit?
Bakit hindi mo ako pinakikinggan?
Bakit, kahit ako'y naririnig mo, hindi mo ako kailanman naiintindihan?
Tumahimik ang paligid... at sa unang pagkakataon, narinig ko ang sarili kong boses—ang boses na matagal ko nang tinatabunan.
At doon ko napagtanto—ako pala ang matagal ko nang tinatakasan. Hindi ko marinig ang sarili ko dahil mas pinipili ko na hayaang tabunan ito ng boses at kagustuhan ng iba.
Masyado kong pinilit na sumayaw sa kumpas ng alon na unti-unting lumulunod saakin imbes na lumangoy palayo.
Ngayon, habang nakatayo ako rito, hindi ko na hahayaan na iba ang magdesisyon sa destinasyong nais ko.
Pipikit ako, hihinga nang malalim, at susundan ang sarili kong tinig—kahit pa hindi ito gusto ng iba. Dahil mas mabuting gawin ko ang ninanais ng puso kaysa piliting maglakad sa daang itinakda ng iba.
Simula sa araw na ito, sa bawat hakbang na aking tatahakin, unti-unti akong lalayo sa mga bulong—hanggang sa tanging bosses ko na lamang ang natitira.
Dahil sa wakas, ang boses na napili kong sundin... ay akin.