Tuesday, April 18, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Hinaing Ng Paang Sugatan” mula kay Mark Reyes


Published by Gabrielle Vergara

Date Published: April 18, 2023

Time Published: 11:05 AM


Kategorya: Tula


Narating mo na ba ang dulo ng kalsada’t,

Napa tanong kung hanggang dito na lang ba talaga?

Kadalasa’y pagsuko na lang ang mainam na daan,

Upang takasan ang mundong mapanlinlang,


Walang araw na hindi nararamdaman ang hinagpis—

Hinagpis sa matarik at lubak na daana’t ‘di alam;

Kung saan at paano napadpad sa gan’tong karanasan—


Kung nabigyan lang sana ng pagkakataong makapili,

Marahil ang landas na dinadaanan ay salungat sa katotohanan,

Marahil ay walang bigat na pinapasan—

At walang sugat sa magkabilang talampakan,


Sabi nila, ang sugat ay tumatagal lamang ng isa,

Hanggang dalawang linggo depende sa lalim nito—

‘Di mawari kung anong sugat ang dumapo sa lupang katawang ito,


Tila permanente na’t lumalalim pa sa paglipas ng panahon,

Pagod na nga sa pag-ahon ay pagod pa sa hilom;

Kaya gustuhin mang ‘di indahin ang sakit—ngunit pa’no?

Pati ang kadahilanan ng mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan,

Ay isang malaking palaisipan sa isang nilalang na ‘di alam,

Kung para saan at para kanino pa ba lumalaban—

Ano ba ang mas mainam, ang magpahinga muna o ang magpahinga na?


Patuloy pa bang aasa na sa pagmulat ng mga mata ay ayos na?

O, dapat ng imulat ang mga mata sa katotohanang hanggang dito na lang talaga?

Kakapitan pa ba sa mga matatamis na salita na binabato sa mga tenga?

O, bibitawan na sa lubid na nagbibigay pa ng pag-asa?

Dapat pa ba na ilaban ang mga bagay na lamang na ang dusa sa saya?

O, patuloy na hanapin ang sarili sa ang mga bagay na nagbibigay ligaya?

‘Sang libong katanungan sa sumasabay sa pag-ikot ng kalawakan—

Kasabay nito ang pag abante ng dalawang talampakan.


No comments:

Post a Comment