Published by Amhiel Thare khorasani
Date published: April 14, 2023
Time published: 8:39 AM
Kategorya: Prosa
Tema: Paglimot, Paalam
—
Halo-halong emosyon ang naramdaman ko noong bigla ka na
lamang nagsalita sa likod ko.
Pinangunahan mo ako ng tanong na dapat sana'y hindi ko na
lamang sinagot. Dahil kung alam ko lamang na ang isang tanong na iyon ang
magiging dahilan ng isang libong tanong sa isipan ko ngayon, mas mabuti pang
humakbang na lamang ako papalayo noon.
Tinik sa dibdib, ulap sa isip. Mata sa mata, damdamin sa
damdamin.
Mahal kita.
Sabi nila, kapag mahal mo, mananatili ka sa tabi niya. Kapag
mahal mo, mananatili ka hanggang sa dulo.
Pero mahal kita kung kaya't itinulak kita papalayo.
Mahal na mahal na kaya kong tiisin ang sakit at pigilan ang
mga luha ng bitawan ko ang katagang, "Ayoko na."
Dahil alam kong kailanman ay hindi ka magiging masaya sa
piling ko.
Dahil alam kong magiging isang pagpapahirap sayo, ang bawat
paru-paro sa sikmura ko.
Dahil alam kong luha ang magiging kapalit ng bawat
"Mahal kita" ko sayo.
Tinulak kita papalayo, kahit alam kong nais kong makulong sa
mga bisig mo.
Tinulak kita palayo kahit alam kong ikaw lang ang tanging
taong gusto kong makasama sa bawat tag-init at bagyo.
Lumayo ako, dahil alam kong may mas karapat-dapat para sayo.
At tama nga ako.
Ngayong nahanap mo na siya, ay panahon na upang tuluyan
akong lumayo at ibaon sa limot ang bawat alaala nating dalawa.
Nakangiti akong nakatingin sa inyo mula sa malayo, habang
hawak ng mahigpit ang pulseras na bigay mo.
Umaasang sa susunod ay baka pwede na.
Sa susunod, baka tayo na.
Ang kwentong nagsimula sa pagkakaibigan, na aking tinapos
dahil sa kawalang kasiguraduhan at mapait na nakaraan. Pahimakas, aking mahal.
No comments:
Post a Comment