Monday, April 15, 2024

๐—ž๐—ข๐—Ÿ๐—จ๐— : "Pagbalik ng nakasanayan, pagmadali sa mga naaapektuhan” ni Michelle C. Saro


Dibuho ni Mark Justin J. Gallasinao
Inilathala ni: Daniel Joshua Madrid
Petsang Inilathala: Abril 15, 2024
Oras na Inilathala: 7:18 AM

Sa bawat hamon na ating kinakaharap sa patuloy na pagbabago ng edukasyon, ang tanging hiling lang natin ay ang maayos at kalidad na pag-aaral. Sa bagong anunsyo ng Department of Education (DepEd) na ibabalik na muli ang tradisyonal na kalendaryo sa pagbubukas ng klase sa taong panuruan 2024-2025 ay isang magandang solusyon na kanilang ipinatupad dahil sa heat season sa buwan ng Abril at Mayo. Ngunit ang desisyong ito ay ang siyang magpapaikli naman ng kalendaryo ngayong taon na kung saan ay hanggang Mayo na lang ang lahat ng klase. Dahil dito, dumami ang mga gawaing kailangang tapusin na dapat ding mapasa sa madaling panahon. Paano na kaya ang mga mag-aaral na hanggang ngayon ay hirap sa pag-a-adjust ng kanilang sarili dahil sa pagbabagong ito? Hindi ba’t kailangan ring isaalang-alang ang kalusugan sa mentalidad ng mga mag-aaral?

Noong dumating ang pandemya sa ating bansa, pinagpasyahan ng DepEd na simulan ang pasukan sa Oktubre dahil nga sa kapahamakan dulot ng pandemya. Marami ang naaapektuhan sapagkat ang nakasanayang akademikong kalendaryo ay biglang nawala dahil sa biglaan ring pagsulpot ng trahedya sa Pilipinas. Bilang isang mag-aaral na naapektuhan nito, mahirap makisabay sa pagbabago. Kaya naman ay nagpapasalamat rin ako sa unti-unting pagbalik ng dating kalendaryo.

Ayon kay Atty. Michael Poa, ang tagapagsalita at ang Undersecretary ng DepEd, ang unti-unting pagbalik ng dating akademikong kalendaryo at naglalayong itapat ang simula ng pasukan sa buwan ng Hunyo sa taong 2026-2027. Itong desisyong ito ay base sa sarbey at konsultasyon sa mga magulang, mga mag-aaral, mga guro, at iba pang kaalyadong grupong pang-edukasyon. Upang iwasan ang pagklase sa panahon ng tag-init sa buwan ng Abril at Mayo [1]. Maganda ang layunin ng kanilang desisyon sapagkat noong nakaraang taon, marami ang nahimatay dahil sa heat stroke sapagkat mainit talaga sa mga nasabing buwan at saktuhang naisama pa sa ginagamit na kalendaryong pang-edukasyon.

Dagdag pa sa sinabi ng tagapagsalita, ang katapusan ng pasukan ngayong taon ay sa Mayo 31 at hindi na sa Hunyo 14. Dahil dito, ang mga seremonya sa pagtatapos ng taon ng paaralan ay sa Mayo 29 hanggang Mayo 31 samantalang ang school break ay gaganapin simula Hunyo 1 hanggang Hulyo 26 [1]. Makikitang ang pinaikling kalendaryo ngayong taon ay mas pinaikli pa ng DepEd ng walong araw ika nila upang maiwasan ang pagkagambala sa bakasyon ng mga estudyante at mga awtoridad sa loob ng paaralan. Masasabi kong maganda ang resulta ng nasabing desiyon ngunit magpokus tayo sa kasalukuyang kalagayan ng bawat isa, hindi ba’t nagagahol sa oras ang lahat para lang dito? Kailangang isaalang-alang sa mga naaapektuhan ang panunumbalik ng dating kalendaryo upang maging maayos at mapayapa ang proseso nito.

Nakasaad sa DepEd Order No. 003 s. 2024 na inaprubahan ni Bise Presidente Sara Duterte na ang simula ng klase ng taong 2026-2027 ay sa Hulyo 29, 2024 at magtatapos naman ito sa Mayo 16, 2025. Sa mga nagdaang taon ay hindi isinasabay ng DepEd ang akademikong kalendaryo sa Commission on Higher Education (CHED) upang itapat ito sa taon ng pananalapi ng gobyerno. Sa sitwasyon ngayon, hindi naman tama na hindi ihanay ang kalendaryo ng DepEd sa CHED sapagkat maaapektuhan naman kaming mga estudyanteng magtatapos sa sekondarya at mag-aaral na sa kolehiyo. Isa itong malaking abala sa mga magtatapos at sa mga wala masyadong alam sa kalakaran ng CHED.

Maganda naman ang layunin ng pagbalik ng dating kalendaryong pampaaralan pero sa ganitong desisyon ay napapamadali ang mga mag-aaral na katulad ko sa pagpasa ng mga kailangang ipasa at gawin sa loob lang ng tatlong buwan. Hindi naman ako tutol dito ngunit dapat isipin rin ang kalagayan ng mga estudyante lalo na ang mga magtatapos ng sekondarya dahil mahirap pagsabay-sabayin ang mga gawain at kailangan nang matinding sakripisyo sa lahat ng mga kailangang gawin na nakahanay sa kurikulum ng DepEd.

Ang walong araw na tinanggal ng DepEd sa kalendaryo ay hindi walong araw lang. Sa loob ng walong araw na iyon ay maraming pwedeng mangyari, maraming pwedeng matapos, at mabibigyan ng sapat na oras ang mga nakaatang na gawain sa ulo ng mga mag-aaral. Kaya hindi na dapat pang inalis ang walong araw na makapagbibigay pa ng mahabang oras sa mga estudyante.

Katulad ko, isa ako sa mga mag-aaral na magtatapos ng sekondarya at nagagahol na sa mga kailangang ipasa sa paaralan. Ang ginawa kong personal na kalendaryo ay punong-puno ng mga deadline ng mga aktibidad na pang-indibidwal at pang-pangkat, mga pinal na proyekto, pananaliksik na maraming pagbabago dahil sa pabago-bago ring pormat, at ang mga gawain sa bawat asignatura. Ang walong araw na tinanggal ay makakatulong sana sa pagbibigay ng sapat na oras sa pagsasagawa ng mga ito.

Sa lahat ng mga binanggit ko, ang tanging hiling ko lang naman at bawasan ang mga gawain ng mga mag-aaral kung hindi naman maibabalik ang walong araw na hindi kabilang sa mas pinaikling kalendaryo ngayong taon para hindi na rin mahirapan ang bawat mag-aaral sa kanilang mga gawain. Hindi lang kaming mga nag-aaral ang nahihirapan ngunit pati na rin ang mga nagtuturo. Tama naman na ibalik ang dating buwan sa pagpasok sa paaralan pero isipin rin natin na sa dahan-dahang pagbalik ang siyang pag madali ng mga estudyante sa aktibidad na nakaatas sa kanila. Kailangan rin na isaalang-alang ang kalagayan ng isip at pisikal na kalusugan ng mga mag-aaral sa biglaang pagbabago na ito dahil hindi magtatagumpay ang pagbabalik ng dating kalendaryo ng taon ng paaralan kung ang mga naapektuhan ay isinasawalang-bahala.

Sanggunian:
[1] Chi, C. (2024, February 20). DepEd sets start of SY 2024-2025 on July 29 in 'gradual' revert to old calendar. Philstar.
https://www.philstar.com/.../deped-sets-start-sy.../amp/ 

No comments:

Post a Comment