Friday, December 6, 2024

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Taympers Muna" ni Francis Mesa

 


Kategorya: Tula

Tema: Ang buhay ay karera


Disenyo ni: Cianyah Mendoza 

Inilathala ni: Daniel Joshua Madrid 

Petsang inilathala: December 6, 2024

Oras na inilathala: 9:51 AM


Sa laro’t sigawan,

ako’y huminto’t ninais magpahinga,

"Taympers muna," mga salita na sa bunganga ko nagmula,

Sapagkat ang katawan ay napagod na.


Isang saglit lang, isang patlang na sandali,

Bawat hakbang, bawat galak, bitin na bitin,

sasabihing ayos lang mapagod,

may pula raw sa ilaw ng trapiko,

pero mabilis itong magkukulay berde,

tuloy na naman sa pag-ikot ang mundo,

hindi ka aantayin nito.


Ang mga bata’y patuloy ang tawa,

Habang ako’y napapaamo ng saglit na pagtigil.

Taympers muna, saglit na pahinga,

Subalit wala akong pagkakataong huminto,

sapagkat lahat sila'y tumakbo na.


Ang laro’y hindi raw isang karera,

puwedeng huminto ng walang pag-aalinlangan,

ngunit lahat ay naghahabol sa tagumpay,

kung ayaw mong maiwan, sasabay ka sa agos,

kahit nais mo nang humiling ng katahimikan.


Gustuhin man nating huminto, huminga.

Sa sistema ng mundo,

Hindi na tayo mga bata.

Dito, bawal ang Taympers muna.

No comments:

Post a Comment